Nagbibisikletang frontliner sugatan nang mabangga ng armored van sa EDSA

ABS-CBN News

Posted at May 23 2020 02:42 PM

ABS-CBN News

Sugatan ang isang medical frontliner nang masagasaan ng armored vehicle sa Makati City, Sabado ng umaga.

Sa impormasyon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), nangyari ang insidente alas-11:23 ng umaga sa southbound lane ng EDSA Magallanes.

Ayon sa rumespondeng rescuer na si Neil Palermo, pauwi na sakay ng e-bike ang 39 anyos na babaeng biktima sa Pasay City mula sa duty sa St. Luke's Medical Center sa Quezon City.

“Nadaanan ko lang sir 'yung vehicular accident. Bale, nasa ilalim sir 'yung e-bike saka ‘yung victim, napag-alaman na babae. Conscious naman siya, nakakausap ko siya.”

Ayon kay Palermo, pumailalim ang e-bike ng biktima sa armored car at nagtamo siya ng sugat sa kaliwang braso.

May malay naman ang biktima na dinala ng Philippine Red Cross sa St. Luke’s, habang iniimbestigahan naman ng Makati Traffic Bureau ang driver ng armored van.

Maraming mga manggagawa ang gumagamit ng bisikleta ngayon para makarating sa trabaho at makauwi habang wala pa ring public transport sa gitna ng COVID-19 pandemic.

-- Ulat ni Michael Delizo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.