Marawi rehab kailangan ng 'dedicated budget' - BARMM parliament member

ABS-CBN News

Posted at May 23 2020 02:59 PM | Updated as of May 23 2020 03:30 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Iminungkahi ni Bangsamoro Transition Authority Parliament Member Zia Alonto Adiong ang pagkakaroon ng budget na nakatuon lamang para sa rehabilitasyon ng Marawi City.

Ito'y sa gitna ng hindi pa rin tapos na pagsasaayos ng siyudad tatlong taon mula nang Marawi siege, ang 5-buwang bakbakan sa pagitan ng teroristang Maute group at mga sundalo kung saan nawasak ang karamihan ng imprastruktura at kabahayan doon.

Sa panayam sa Teleradyo, sinabi ni Adiong na sana ay nakapaloob na ang pondo sa General Appropriations Act (GAA) na ipapasa ng Kongreso kada taon para hindi na magkaroon pa ng mga delay.

"What we want is state policy. It should be state policy where the rehabilitation should be really given focus para ma-speed up natin ang rehabilitation. Instead of, for example a department program, it should be packaged in such a way that the national government could really put emphasis on that by making it as part of a law in the GAA... separate allocations specifically intended for Marawi rehabilitation," sabi niya.

Nitong Marso, ipinag-utos ni Duterte sa Department of Budget and Management na madaliin ang pag-release ng pondo para sa rehabilitasyon ng Marawi City.

Sabi ni Adiong, malaking bahagi ng pondo ay gagamitin para sa reconstruction ng mga pinakaapektadong​ lugar sa lungsod.

Tatlong taon na ang nakalipas pero hindi pa rin makabalik ang libo-libong mga residenteng apektado ng Marawi siege.

Batid naman ni Adiong na doble trabaho ang pamahalaan ngayon dahil bukod sa Marawi rehabilitation, abala rin ito sa pagtugon sa pandemyang dulot ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

"Kinakailangang sa ngayon, like 3 years matagal na rin nag-aantay ang ating kababayan na mabalik sa normal. Mahirap na intindihin kung anong normal sa ngayon dahil nga ang normal na sinasabi nila mag-wear ka face mask, mag-maintain ka ng social distancing. Pero 'yung normal kasi sa marami 'yung previous na buhay ng mga tao bago nangyari 'yung Marawi seige na pinag-uusapan​ natin ngayon," pahayag ni Adiong.

Sabi ni Adiong, kasama naman sa nabigyan ng ayuda para sa COVID-19 ang mga pamilyang naapektuhan ng Marawi seige.

"Definitely, what they need right now is to have sustainable livelihood programs on top of the provisions or the relief goods that [are] distributed to them," sabi niya.

Sa araw na ito taong 2017, nilusob ng Maute group ang Marawi City, nagtulak kay Pangulong Rodrigo Duterte para ilagay sa ilalim ng martial law ang buong Mindanao.

Umabot ng limang buwan ang bakbakan bago tuluyang nabawi ang lungsod noong Oktubre 17, 2017. Higit 1,000 ang namatay, karamihan mga terorista. 

Banggit din ni Adiong na nasa 24 mga barangay ang pinakaapektado ​sa bakbakan.

"Wala pa siya sa stage kung saan puwede nating sabihing makakabalik na mga residente natin in those 24 barangays," aniya. "Wala pa sa ngayon tayo na nakikita na nagawa na permanent shelters, mostly they are temporary shelters scattered around Marawi City."

Sa datos ng pamahalaan, nasa 40,000 mga pamilya ang naapektuhan ng bakbakan sa Marawi.

"Ang sinasabi ng Task Force Bangon Marawi nasa long-term na tayo. Pero para sa amin, kung hindi mailipat ang mga tao doon sa permanent shelters na ginagawa, sa palagay ko nasa short-term pa rin tayo," sabi niya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.