Kita ng mga litsunan sa La Loma sumadsad dahil sa COVID-19 lockdown: grupo

ABS-CBN News

Posted at May 23 2020 02:24 PM

MAYNILA - Dahil sa pandemya, sumadsad ang kita ng mga tindahan ng litson sa La Loma, Quezon City - isang lugar na kilala sa pagbebenta ng paboritong handa sa mga salo-salong Pinoy.

Ayon kay William Chua, dating pangulo ng La Loma Lechoneros Association, aabot sa 70 porsiyento ang ikinalugi ng mga nagtitinda ng lechon mula nang mag-umpisa ang lockdown, kung saan bawal ang pagsasama-sama.

"Wala po talaga, dahil walang fiesta muna ngayon, maging kasalan wala kasal, binyag, wala po talaga kung saan sana naging mabili ang lechon. Pati mga excursions, outing wala po talaga," ani Chua.

Binubuo ang grupo ni Chua ng 13 malalaking tindahan sa lugar.

Banggit ni Chua na karaniwang mabenta ang lechon tuwing Mayo hanggang Disyembre dahil sa mga fiesta, outing, kasalan at iba pang okasyon.

Dagdag pa ni Chua na para makabenta, nagbibigay sila ng mga discount para sa walk-in customer habang libre na ang delivery sa mga malalapit na lugar.

Dahil sumadsad aniya ang negosyo, kinailangan nang magpatupad ng skeletal force ang ilang tindahan. Ang ilan sa mga pumapasok pa rin ay ginagawa na nilang stay-in, habang ang iba na malapit lamang ang tirahan ay pinapayagang makauwi.

Kasama ang Metro Manila sa mga lugar na isinailalim sa enhanced community quarantine ng dalawang buwan para mapigilan ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19). Noong Mayo 16 lamang ibinaba ang restrictions sa isang modified lockdown.

Kasabay nito, suspendido ang mga mass gathering gaya ng mga fiesta, graduation at iba pa para maiwasan ang hawahan.

-- Ulat ni Henry Atuelan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.