Higit P6-milyong cash aid isinauli ng mga pamilyang nakatanggap ng dobleng ayuda

Bonna Pamplona, ABS-CBN News

Posted at May 23 2020 03:08 PM

Isa ang jeepney driver na ito sa mga nagsauli ng kaniyang natanggap na ayuda. Larawan mula kay Norman Baloro


Higit P6 milyong halaga ng ipinamahaging pera mula sa social amelioration program (SAP) ng gobyerno ang naisauli sa Department of Social Welfare and Development sa Region 11.

Isinauli ito ng 1,084 na pamilya na nakatanggap ng tig-P6,000 dahil nadoble ang nakuha nilang ayuda mula sa pamahalaan at dala na rin ng takot na makasuhan.

Ayon kay Grace Subong, Regional Director ng DSWD-XI, nauna nang nakatanggap umano ng cash aid mula sa Tulong Panghanapbuhay sa Ating Displaced/Disadvantaged Workers o TUPAD ng Department of Labor and Employment ang mga pamilya bago pa dumating ang SAP.

Laking pasalamat din ni Presidential Commission for Urban Poor Commissioner Norman Baloro dahil sa katapatan ng mga jeepney driver na kasama sa mga pamilyang nagsauli ng dobleng ayuda.

Ibinalik ng 238 sa kanila sa Davao City ang tig-P6,000 na perang natanggap mula sa SAP matapos na makakuha na sa TUPAD.

Naglatag ng iba't ibang cash aid program ang gobyerno para sa mga manggagawa, migrant worker at mga mahihirap na pamilya sa gitna ng kawalan ng trabaho dulot ng coronavirus pandemic.