DSWD: Ika-2 bugso ng pamimigay ng SAP, maaaring maantala hangga't liquidations di maibigay

ABS-CBN News

Posted at May 23 2020 06:24 PM | Updated as of May 23 2020 07:28 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Naniniwala si DSWD Assistant Secretary Joseline Niwane na posibleng dumoble nga ang bilang ng mga Pilipinong nakararanas ng gutom ngayong may COVID-19 na nilalabanan ang bansa, dahil marami ang hindi makalabas at hindi makabili ng pagkain at marami rin ang apektado ang kanilang kabuhayan.

Sa ngayon, aniya, inihahanda na nila ang pamimigay ng second tranche ng social amelioration program na DSWD na ang mangangasiwa. Aabot sa 5 milyong pamilya at mga nasa enhanced community quarantine areas ang bibigyan.

Pero hindi nila ito mauumpisahan hangga't​ hindi nakakapagsumite ang mga LGU ng liquidation sa unang tranche na kanilang ipinamigay.

“Ang problema natin kailangan natin 'yung liquidation kaya hinihikayat natin 'yung LGUs na nakatapos na kasi more or less marami nang nakatapos . . . Umaabot na ng 1,030 ang naka-100%,” ayon kay Niwane.

“We are requesting na mag-liquidate na sila kasi kailangan muna 'yung liquidation para i-validate ulit 'yung post validation para ma-ensure natin na sa second tranche malinis na siya at hindi madami na naman ang madoble o mag-duplicate 'yung services.”

Limangdaan pa lang umano ang nakakapagsumite ng liquidation na hahanapin ng COA. 

Kailangan din umano nila ng updated na listahan ng mga pamilyang dapat tumanggap ng SAP na kailangan pang ivalidate ng field offices para matiyak na walang duplication o di nakatanggap ng ayuda mula sa ibang ahensya gaya ng DOF, DA at DOLE.

"Kung hindi ma-submit​ 'yung mga liquidation mahihirapan tayong mag-start ng second tranche. Umaapela​ tayo sa LGUs lalo na 'yung nakatapos ia-affix na 'yung kanilang mga papel para i-submit na sa regional offices natin para mag-start na 'yung regional offices natin na mag-validate or mag-crossmatch.”

Target sana ng ahensya na sa una o ikalawang linggo ng Hunyo makapagpamigay ng second tranche, pero mukhang mahihirapan umano dahil bukod sa hindi pa kumpleto ang mga listahan at liquidation mula sa mga LGU, ay hindi pa rin natatapos ipamigay ang unang tranche.

Samantala, tiniyak naman ni Agriculture Secretary William Dar na may sapat na supply ng pagkain sa bansa hanggang matapos ang taon lalo na sa bigas. 

Namimigay na ang ahensya ng ayuda sa mga magsasaka para sa wet season planting.

"We are giving almost to all 2.5 hectares na wet season planting na mga buto, extension and training services and 'Buy 2, take 2' na fertilizers," pahayag ni Dar.

Bukod dito, may P400 milyon din na halaga ng mga ipinamimigay nilang binhi at seedlings sa Metro Manila at malalaking siyudad para sa urban gardening at backyard farming.

Nangangamba naman ang Federation of Free Farmers kung papasok lahat ng imported na bigas ng mga pribadong importers na umaabot sa 1.8 million metric tons para sa taong ito.

Mahal kasi ang benta ng bigas sa Vietnam at Thailand dahil sa epekto ng COVID-19, kaya umaatras umano ang mga private importers.

"Ang nakapasok na ay 850,000 metric tons this year, on top of the existing inventory dati. So, marami pa ring import clearances na naibigay na na hindi pa rin dumating so kinakausap po namin mga traders and millers na ipasok na nila overall, thats why nagpapadagdag tayo. Nabigyan naman tayo ng P8.5 billion for rice resiliency project at sana mas mataas yung ani natin itong season ng third quarter,”" ayon kay Dar.

Dagdag pa ng kalihim, pinag-aaralan na rin ng ahensya kung imumungkahi nilang palawigin o i-extend ang prize freeze na napaso noong May 15 para matiyak na walang mananamantala sa presyo habang may lockdown pa.

“Mayroon kaming gagawin at I think ang direction ay more sa price freeze towards that na 'yung lahat ng SRP ay magiging price freeze. Merong sinasabi sa batas na mas may sandalan po tayo 'pag tayo ay nag-enforce at tsaka nag adjudicate ng price act,” sabi ng kalihim.

-- Ulat ni April Rafales, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.