Budget para sa internet, agam-agam ng ilang magulang sa hirit na virtual classes

ABS-CBN News

Posted at May 23 2020 07:17 PM | Updated as of May 23 2020 08:53 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Puro sa public school nag-aaral ang tatlong anak ni Sherwin Silva. 

Hindi sanay ang mga anak niyang gumamit ng gadgets dahil mas gusto niyang matuto sila mula sa mga libro. 

Pero ngayong mataas pa rin ang banta ng coronavirus disease 2019, may posibilidad na hindi niya muna pag-aralin ang mga ank sa darating na pasukan. 

"Kasi wala pa naman lumalabas na vaccine. Ang patakaran ay social distancing. 'Yung matanda nga (ang) hirap sawayin, paano pa ang mga bata?" ani Silva. 

Masakit naman para kay Leonard Delin na hindi makapag-aral ang anak, pero tingin niya mas mahirap malagay sa peligro ang kanilang kalusugan. 

May mga panukala na para sa online classes. Pabor man siya rito, wala naman silang libreng Internet sa bahay. 

“Di tayo nakakapag-hanapbuhay, kung minsan nga po 'yung ipambibili natin ng internet, ipambibili nalang natin ng pagkain,” ani Delin. 

Tulad nina Delin, maraming mga pamilya sa bansa ang wala o kulang ang access at kakayanan na magbayad ng internet kaya ang tanging inaasahan nila ang pagbabalik sa classroom set-up. 

Ang isang eskuwelahan, nagsimula nang isulong ang kanilang virtual classes. 

Ayon kay Ines Castro, direktor ng The Schoolroom Inc., maganda ang feedback ng mga magulang pero maraming mga limitasyon ang online classes na importante para sa paglaki ng mga bata. 

"A lot of the parents enroll their children in preschool for socialization so ngayon paano na sila magso-socialize because they are at home,” ani Castro. 

Inilatag din ng Makabayan Bloc sa online forum na Cure COVID PH ang mga problema na kinahaharap ng education systen ng bansa hanggang may pandemya. 

Ayon sa Alliance of Concerned Teachers, walang dury nurse o maayos na clinic ang mga pampublikong paaralan at kulang ang espasyo ng mga classroom para ipatupad ang physical distancing. 

Giit ni Kabataan Partylist Rep. Sarah Elago, masasaayos lang ito kung madadagdagan ang pondo para sa edukasyon. 

Noon nang sinabi ng Department of Education na magpapatupad sila ng distance learning, at nanawagan ng pasensiya sa mga magulang habang inilalatag nila ang educational protocols na gagawin para sa susunod na taon. 

Inurong sa Agosto 24 ang pagsisimula ng klase ngayong may pandemic. May ilan nang nanawagang kanselahin ang klase sa susunod na school year ngayong may banta pa rin ng coronavirus. 

— Ulat ni Isay Reyes, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.