Abogado huli sa checkpoint sa Makati matapos dumaan sa fast lane kahit hindi frontliner

ABS-CBN News

Posted at May 23 2020 10:29 AM

MAYNILA - Arestado ang isang abogado sa isang checkpoint sa Makati matapos dumaan sa fast lane na para lamang sa mga frontliners sa COVID-19 response at pagmamaneho ng walang lisensiya.

Ayon sa arresting officer na si Police Cpl. Jefferson Boles, nakabantay ang mga pulis sa isang quarantine control point sa Osmeña highway sa Makati Biyernes ng gabi nang pahintuin nila ang isang Mercedes Benz na dumaan sa fast lane para sa inspeksyon.

Nang tanungin ang driver, wala itong naipakitang ID mula sa Inter-Agency Task Force on COVID-19 response na nagpapatunay na isa nga siyang frontliner at maaaring dumaan sa fast lane.

Ayon pa sa pulis, pinababa nila ang driver pero sinabihan pa sila na "Aabalahin mo pa ba ako sa simpleng bagay na 'yan."

Matapos ang ilang minutong diskusyon, hiningan na siya ng driver's license. Pero wala ring naipakitang lisensiya ang 53 anyos na abogado, na napag-alamang taga Ayala Alabang sa Muntinlupa.

Samantala, 28 katao naman ang hinuli sa Pandacan, Maynila dahil sa hindi pagsuot ng face mask sa labas ng kanilang bahay.

Nagpapatrol ang mga pulis ng Beata at Labores Police Community Precinct at nakita ang mga tao na naglalakad sa kalsada na walang suot na face mask, isang paglabag sa ordinansa sa lungsod.

Paalala ng pulis sa publiko, magsuot lagi ng face mask kung lalabas ng bahay sa gitna ng patuloy na mga quarantine guidelines sa gitna ng COVID-19 pandemic.

- ulat ni Jekki Pascual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.