6 ospital na tumanggi ng pasyente, pinapaliwanag ng DOH

Dexter Ganibe, ABS-CBN News

Posted at May 23 2020 12:48 AM

MAYNILA - Nanindigan ang Department of Health (DOH) nitong Biyernes na siniseryoso nila ang mga reklamong natatanggap laban sa mga ospital sa bansa na tumatanggi umano ng mga pasyente.

Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, iniimbestigahan na ng Health Facilities and Services Regulatory Bureau (HFRSB) ang ulat na may ilang pasyente na hindi tinanggap sa ilang ospital sa kadahilanan umanong puno na sila.

Kinumpirma niya na 6 na pribadong ospital na ang napadalhan ng show cause order para paliwanagin kung bakit hindi sila dapat papanagutin sa batas.

Ang pagtanggi sa mga pasyente ay paglabag sa Republic Act 8344 o ang Anti-Hospital Deposit Law, na inamiyendahan ng RA 10932, kung saan itinaas hanggang sa isang milyong piso ang multa sa mga lumalabag sa batas.

Pagtitiyak ng opisyal, nakikipagtulungan sa mga awtoridad ang kagawaran upang matiyak na pinatutupad ang batas na ito at kung sinuman ang lalabag sa batas ay maparusahan.