4 tinanggal sa bilang ng mga healthcare worker na namatay sa COVID-19

ABS-CBN News

Posted at May 23 2020 03:08 AM

Apat sa 35 na unang inulat ng Department of Health (DOH) na bilang ng mga namatay na mga healthcare worker (HCW) sa bansa noong nakaraang araw dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang inalis sa listahan.

Paliwanag ni DOH spokesperson Undersecretary Rosette Vergeire, resulta ito ng ginagawa nilang mabusising validation at kumpirmasyon sa mga impormasyon.

Aniya, nabatid sa kanilang validation na ang dalawang napabilang sa healthcare workers na namatay at mga retirado na at inaalam pa ang kanilang propesyon bago ang kanilang pagre-retiro.

Ang dalawang iba pang delisted o inalis sa listahan ng mga HCW na namatay ay nakumpirmang isang cinematographer at isang clerk na nagtatrabaho sa lokal na pamahalaan na hindi nagtatrabaho sa city health office taliwas sa unang natanggap nilang impormasyon.

Samantala, wala pa ni isa mga healthcare worker na nagkaroon ng COVID-19 infection ang nakatatanggap ng kompensasyon mula sa pamahalaan.

Ayon kay Vergeire, kasalukuyan pang binabalangkas ang guidelines para sa kompensasyon ng mga HCW na nagpositibo sa COVID-19.

Nakasaad sa Bayanihan to Heal as One Act na tatanggap ng P100,000 ang mga HCW na kinapitan ng COVID-19 habang P1 milyong kompensasyon naman ang matatanggap mula sa pamahalaan ng pamilya o benepisyaryo ng HCW na namatay dahil sa COVID-19.

Sa pinakahuling datos ng DOH, mayroon nang kabuuang 2,336 na mga HCW sa bansa ang nagpositibo sa COVID-19 kung saan 31 sa kanila ang namatay sa sakit.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.