15 anyos na dalagita natagpuang patay, basag ang mukha sa Batangas City

April Magpantay, ABS-CBN News

Posted at May 23 2020 03:32 PM | Updated as of May 23 2020 03:47 PM

Dalagitang puno ng pangarap ang paglalarawan ng mga kaklase, guro at lola sa isang 15 anyos na estudyanteng natagpuang patay nitong Martes ng hapon sa Brgy. Banaba East, Batangas City. ABS-CBN News

BATANGAS CITY - Dalagitang puno ng pangarap ang paglalarawan ng mga kaklase, guro at lola sa isang 15 anyos na estudyanteng natagpuang patay nitong Martes ng hapon sa Barangay Banaba East, Batangas City.

Duguan at basag ang kanang bahagi ng mukha ng biktima nang matagpuan ito sa isang masukal na bahagi ng barangay. 

Kuwento ng lola ng biktima, huli niyang nakitang buhay ang apo pasado alas-8 ng gabi Lunes sa loob ng bahay.

"Bumangon ako, tinext ko ang kapitbahay kung andun [siya] ay wala raw. E'di dun na nagtakbuhan na kami hanggang diyan sa labas," kuwento ng lola ng biktima sa isang panayam, Huwebes. 

Hanggang madaling araw nito hinintay ang apo pero hindi pa rin ito umuwi, hanggang sa natagpuang patay ang biktima pasado alas-2 ng hapon ng Martes.

Isang 15 anyos na binatilyo na nagpapainom ng baka ang nakakita sa bangkay.

"'Yong isa na lang po ang papainumin ko ay nakapulupot po siya sa pinangyarihan po doon… Pinagkamalan ko pa pong basura, ay nung nilapitan ko ho ay tao ho. Eh di ako ho'y tatakbo na po… Ang nakita ko lang po ay damit po na dugo-dugo ho, ganito lang. Hindi po kasi ako lumapit nang lapit na lapit eh,” ayon sa saksi. 

Consistent honor student, miyembro ng Girl scouts at sepak takraw player ang biktima. Pangarap sana nitong maging abogado balang araw. 

“Napakasakit po nito para sa amin kasi po napakabait niya pong kaklase at napakabait niya pong kaibigan para sa amin… Dahil po sa taong gumawa nun, natapos na po 'yung pangarap nya," pagbabahagi ng kaklase. 

“Gulat na gulat kami sobra. Kami'y nagagalit sa may kagagawan nito. Hindi nila dapat tinuldukan ang kapalaran na sana ay mararating ng bata," ayon sa guro ng biktima. 

Overseas Filipino worker ang ina ng bata at kamamatay lang ng ama kaya nasa pangangalaga ng kaniyang lola kasama ang tatlong nakababatang kapatid. Hiling nila, hustisya para sa dalagita. 

“Kulang pa ang buhay niya. Kung makikita ko [ang may sala] ay gusto kong ako na ang pumatay," ayon sa Lola. 

Hindi raw makuwento ang biktima kaya blangko ang pamilya sa motibo sa krimen.

Ayon naman kay Police Capt. Amiel Sanhi ng Batangas City Police, patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa nangyaring pagpatay.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.