SAPUL SA CCTV: Lalaki nakaladkad ng riding-in-tandem na snatchers

ABS-CBN News

Posted at May 23 2019 08:42 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nasapul sa CCTV ang pang-i-snatch ng mga salaring sakay ng motorsiklo sa cellphone ng isang lalaki sa San Jose del Monte, Bulacan.

Sa kuha ng CCTV ng Barangay Yakal noong Mayo 7, mapapanood na nakaladkad pa ng ilang metro ang nahablutan ng cellphone na si alyas "Gino."

Naaresto naman sa follow-up operation ng San Jose Del Monte police ang isa sa 2 suspek sa insidente.

Ayon kay "Gino," nahablutan siya sa harap ng kanilang tindahan.

Tumambay umano siya sa labas dahil mainit sa kanilang bahay at mahina ang cellphone signal.

Lumapit sa kaniya ang 2 lalaking nakamotorsiklo at nagpanggap na bibili sa tindahan.

"Nagduda ako nang kaunti kasi parang napaka-familiar po ng galawan nila eh, parang snatch and run talaga eh," ani Gino.

"Nahawakan ko 'yong hoodie nung kumuha ng cellphone ko tapos bigla pong umandar, doon na po ako kumaladkad... napunit po kasi 'yong hoodie," kuwento niya.

Hindi pa nababawi ang cellphone ni Gino.

Ayon sa naarestong suspek, hindi niya alam na balak ng kaniyang kasama na nakawan ng cellphone si "Gino."

"Hindi ko akalain na ganoon gagawin niya," sabi ng suspek.

--Ulat ni Jeck Batallones, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.