Pagsasara ng Marcos Highway Bridge tuloy na sa Sabado

ABS-CBN News

Posted at May 23 2019 05:24 PM | Updated as of May 23 2019 10:01 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Matapos ipagpaliban, tuloy na sa Sabado ang umpisa ng 4 na buwang pagsarara ng Marcos Highway Bridge para sa rehabilitasyon, sabi ngayong Huwebes ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Sa isang press conference, sinabi ni MMDA general manager Jojo Garcia na isasara ang eastbound na bahagi ng tulay sa Marcos Highway simula alas-11 ng gabi Sabado.

"After 2 weeks of preparations, it is definite now. Marcos Bridge will be closed for the next four months to give way to its long-overdue rehabilitation," ani Garcia.

Inuugnay ng tulay ang Katipunan Ave. sa Quezon City at ang siyudad ng Marikina, at Taytay at Antipolo sa Rizal.

Nakatakda sanang umpisahan ang rehabilitasyon ng tulay noong Mayo 4 pero ipinagpaliban dahil hindi pa raw handa ang proyekto.

Nasa 6,400 behikulo kada oras ang gumagamit sa nasabing tulay, na itinayo noong 1979.

Inabisuhan ng MMDA ang mga motorista na sundin ang mga sumusunod na alternatibong ruta:

Cubao papuntang Antipolo

  • Mula Cubao, dumaan sa Aurora Boulevard, kumanan papuntang Katipunan Avenue, dumaan sa service road ng Libis underpass, kumaliwa sa Boni Serrano, dumaan sa FVR Road deretso hanggang Macapagal Bridge, at dumaan sa Marcos Highway papuntang Antipolo
  • Mula Cubao, kumanan sa 15th Avenue, kumaliwa sa Boni Serrano, dumaan sa FVR Road deretso hanggang Macapagal Bridge, at dumaan sa Marcos Highway papuntang Antipolo

Trucks mula Cubao papuntang Antipolo

  • Mula Cubao, dumaan sa Aurora Boulevard, kumanan sa Katipunan Avenue, dumaan sa service road ng Libis underpass, kumaliwa sa Boni Serrano, dumeretso sa FVR Road, dumaan sa Macapagal Boulevard at Sumulong Highway papuntang Antipolo

Antipolo papuntang Cubao

  • Mula Antipolo, dumaan sa Sumulong Highway tapos A. Bonifacio Avenue, dumeretso sa Aurora Boulevard papuntang Cubao
  • Mula Antipolo, dumaan sa Marcos Highway, kumanan sa Fernando Avenue tapos dumaan sa A. Bonifacio Avenue, dumeretso sa Aurora Boulevard papuntang Cubao
  • Mula Antipolo, dumaan sa Marcos Highway, gamitin ang ramp ng Marcos Highway service road tapos dumaan sa FVR Road, kumanan sa Katipunan Avenue, kumaliwa sa Aurora Boulevard papuntang Cubao
  • Mula Antipolo, dumaan sa Marcos Highway at FVR Road, tapos dumeretso sa Boni Serrano Avenue, kumanan sa 20th Avenue, kumaliwa sa Aurora Boulevard papuntang Cubao

Trucks mula Antipolo papuntang Cubao

  • Mula Antipolo, dumaan sa Marcos Highway at FVR Road, kumanan sa Katipunan Avenue, kumaliwa sa Aurora Boulevard papuntang Cubao

PAGSASARA NG PROVINCIAL BUS TERMINALS SA EDSA

Samantala, sisikapin daw ng MMDA na maipatupad sa Hunyo ang pagpapaalis sa 47 provincial bus terminal sa kahabaan ng EDSA.

Para sa MMDA, hindi na puwedeng ipagpaliban ang pagsasara kung ang pag-uusapan ay ang pagpapaluwag ng daloy ng trapiko sa EDSA.

Nakuha ng MMDA ang go signal ng 17 alkalde ng Metro Manila kaso bitin pa rin sila dahil hindi pa rin malinaw ang mga panuntunan ukol sa pagpapasara.

-- May ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.