Pagpatay sa pulis sa Agusan del Norte, inako ng NPA

Richmond Hinayon, ABS-CBN News

Posted at May 23 2019 08:04 PM

Hinablot palabas ng kaniyang sasakyan ang pulis at saka pinagbabaril ng dalawang armadong lalaki. Larawan mula sa Police Regional Office 13

CARMEN, Agusan Del Norte – Inako ng rebeldeng grupong New People’s Army ang pagpatay sa isang pulis, Miyerkoles ng gabi.

Ayon sa tagapagsalita ng grupo na si Ka Omar Ibarra, wala umano silang intensiyon na patayin si Police Executive Master Sergeant Jimmer Omisol. 

Dudukutin lang sana nila ang pulis para harapin ang mga akusasyong pangaabuso sa mga sibilyan. Pero nanlaban umano ang pulis kaya inunahan na nila ito.

Sabi ng pulisya, may tatagpuin na impormante sana si Omisol sa District Papaya, Tagcatong, nang bigla siyang hablutin palabas ng sasakyan at pinagbabaril ng dalawang lalaki.

Nakaganti pa umano ng putok ang biktima, ayon kay Police Regional Office 13 Regional Director Brigadier General Gilberto Cruz, base sa mga basyo ng bala mula sa magkaibang kalibre ng baril sa crime scene.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.