P4 milyong halaga ng ‘shabu’ nasamsam sa magkapatid sa Naga

Mylce Mella, ABS-CBN News

Posted at May 23 2019 05:55 PM

Hindi na nakapalag pa ang magkapatid na suspek nang arestuhin sa ikinasang buy-bust operation sa Naga City. Mylce Mella, ABS-CBN News

NAGA CITY – Tinatayang nasa P4 milyong halaga ng hinihinalang shabu ang nasamsam sa magkapatid sa buy-bust operation sa Barangay Tabuco dito sa siyudad, Huwebes ng umaga.

Ayon sa pulisya, magkakuntsaba umano ang magkapatid sa pagbebenta ng ilegal na droga.

Sa ikalawang palapag ng kanilang bahay nakuha ang nakabalot sa plastic na kalahating kilo ng pinaniniwalaang shabu.

“May information tayo na manggagaling nga sa Metro Manila 'yung drugs na darating at na-monitor ng operatives natin at nag-conduct nga ng buy-bust operation,” sabi ni Police Col. Felix Servita, director ng Naga City Police Office.

Hindi na nagbigay pa ng pahayag ang magkapatid habang nabigla naman ang kanilang mga kamag-anak. Kahit na alam nilang isa sa magkapatid ay gumagamit anila ng droga, hindi daw nila alam na sangkot ang mga ito sa pagbebenta ng shabu.

“Malaking bagay ito kung bumaba sa streets ang ganito karaming droga kaya pasalamat tayo dahil masisipag ang mga operatives natin,” dagdag ni Servita.

Nitong Miyerkoles, nasa P1 milyong halaga ng ilegal na droga ang nakuha ng pulisya sa isang dating janitor.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.