P1-bilyong cyber libel complaint isinampa laban kay 'Bikoy,' Facebook PH

Dexter Ganibe, ABS-CBN News

Posted at May 23 2019 05:59 PM

Naghain ng P1-bilyong cyber libel suit ang isang negosyante laban sa Facebook Philippines at sa nagpakilalang si alyas Bikoy na si Peter Joemel Advincula nitong Huwebes.

Sa 19-pahinang complaint affidavit na isinampa ni Elizaldy Co, may-ari ng Misibis Resort and Hotel Management, nakasaad na nabanggit ang pangalan ng kaniyang kompanya sa isa sa mga “Ang Totoong Narco-list” videos.

Nakasaad sa reklamo na Abril 26 pa niya hiniling sa pamunuan ng Facebook Philippines at YouTube na alisin ang video pero nanatili aniya ito sa social media.

Kasong paglabag sa Cybercrime Prevention Act na may kaugnayan sa Revised Penal Code ang isinampang reklamo sa Legazpi City Prosecutors Office.

Bukod kay Advincula, kasama sa inireklamo si Rodel Jayme, administrator ng MetroBalita.net na nag-share umano ng videos, at Facebook Philippines sa pamamagitan ng country director na si John Rubio.

Aabot sa halagang P150 milyong moral damages, P100 milyong exemplary damages, at 10 porsiyentong attorney’s fees para sa pangalawang reklamo nito na aabot sa P550 milyon ang inihain nitong damages.

Dedesisyunan pa ng Legazpi Prosecutors’ Office kung may probable cause ang reklamo at mabibigyan ng pagkakataon ang mga inireklamo na maghain ng kanilang kontra salaysay.

Isinampa ang kaso matapos sumuko si Advincula at sinabing kasinungalingan lamang ang mga akusasyon nito laban sa pamilya ni Pangulong Rodrigo Duterte. 

Sa mga video na inilabas sa kasagsagan ng kampanya para sa eleksyon, iniugnay ni Advincula ang anak ni Duterte na si Paolo, manugang na si Manases Carpio, at dating aide na si Christopher Go sa ilegal na droga. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.