Matapos ang 2 taon: Libo-libong pamilya di pa rin nakauuwi sa Marawi ground zero

ABS-CBN News

Posted at May 23 2019 08:47 PM | Updated as of May 23 2019 09:19 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Mistulang binawi ng kalikasan ang ground zero sa Marawi City dahil sa pagbalot ng mga halaman sa mga gusaling tinamaan ng 5 buwang bakbakan.

Matagal nang tapos ang sagupaan sa pagitan ng mga puwersa ng gobyerno at teroristang grupong Maute pero tila dinig pa rin sa mga bahay at estrukturang tadtad ng bala ang latay ng karahasan.

Bagaman Oktubre 2017 natapos ang digmaan, libo-libong pamilya pa rin ang hindi pa nakauuwi sa 24 barangay na bumubuo sa ground zero.

Sa tala ng gobyerno, 11,754 pamilya ang nakikitira kasama ang mga kakilala o kaanak, 2,072 pamilya ang nakalipat sa temporary shelters, at 485 pamilya ang nasa mga evacuation center.

Ayon sa Task Force Bangon Marawi, isa sa mga dahilan kung bakit hindi pa nakauuwi ang mga taga-ground zero ay ang tuloy-tuloy na clearing operations ng mga militar para makuha ang mga naiwan na pampasabog sa lugar.

Naantala rin ang rehabilitasyon nang ma-disqualify ang dalawang Chinese companies na naunang nag-bid sa proyekto. Isang developer lang kasi ang planong kuhanin noon para sa lahat.

"Tinanggal na natin 'yong one developer concept so hinati-hati na 'yong proyekto sa affected area into 23 projects," ani Felix Castro ng Task Force Bangon Marawi.

Tinanggal na ang mga debris at na-demolish na ang ibang gusaling nawasak ng giyera gaya ng Ibango Central Elementary School.

Para sa mga private property, hindi raw magde-demolish ang gobyerno hangga't walang pahintulot ng may-ari.

Bagaman atrasado, ayon sa Task Force Bangon Marawi, kaya pa rin nilang maabot ang 2021 deadline sa rehabilitasyon ng lungsod.

"Kaya pa rin at this point in time but medyo kumokonti na 'yong ating leeway," ani Castro.

Sa dulo ng Hulyo inaasahan nang makababalik sa ground zero ang ilang barangay na hindi naman gaanong nasira ng bakbakan.

Pero kailangan pa rin ng mga residente ng permit para mapaayos ang mga ari-arian.

Hiling ngayon ng mga naapektuhan ng digmaan ay tulong pinansiyal.

Nasa kamay ng bagong papasok na Kongreso ang panukalang kabayaran sa mga naging danyos ng digmaan.

--Ulat ni Jeff Canoy, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.