'Love triangle o mistaken identity?' Lalaki, patay sa pamamaril sa Pasay

Fred Cipres, ABS-CBN News

Posted at May 23 2019 05:39 AM | Updated as of May 23 2019 10:27 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Hustisya ang hiling ng mga kaanak ng 25-anyos na lalaki na napatay sa pamamaril sa lungsod ng Pasay.

Nakaburol na ang labi ng biktima na kinilalang si Kerr Louie Hipps sa gilid ng kalsada sa Tramo Riverside sa Brgy. 156, malapit lang kung saan binaril ng gunman ang biktima.

Kita sa CCTV ng barangay ang pagpasok ng salarin na nakakulay itim na pang-itaas at kasamahan nitong lalaki na nakasuot ng puting pang-itaas.

Sa isa pang kuha ng CCTV, makikita na sakay na ng motorsiklo ang dalawang lalaki at palabas na ng kanilang barangay.

Ilang sandali pa ay hinahabol na ang dalawang lalaki ng mga taong bayan hanggang sa makarating sa Aurora Boulevard area.

Ayon sa imbestigasyon ng Pasay police, dalawang beses na pinaputukan ng baril ng isa sa mga suspek si Hipps. Tinamaan sa ulo ang biktima, dahilan ng agaran nitong kamatayan.

Mabilis na tumakas ang mga suspek sakay ng itim na motorsiklo. Sa pagmamadali, bumangga pa ang mga suspek sa isang tricycle. Nasira ang motorsiklo na sinaksakyan ng mga suspek kaya't nang-agaw ang mga ito ng motorsiklo sa dumadaang rider.

Naiwan sa kalsada ang motorsiklo habang tuluyang nakatakas ang mga suspek.

Dalawa ang tinitignang motibo mga pulis sa pamamaslang kay sa biktima. Una ay love triangle at ang pangalawang motibo naman ay mistaken identity.

Kasalukuyang iniimbestighan na ng Pasay police ang krimen.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.