Lalaking nakamotorsiklo, patay matapos mabangga ng SUV sa Davao

Berchan Angchay, ABS-CBN News

Posted at May 23 2019 03:07 AM

DAVAO CITY - Patay ang isang motorcycle rider matapos mabangga ng isang SUV sa Barangay Langub, Davao City Miyerkoles ng hapon.

Kinilala ang biktima na si Arsenio Pagula, 51 anyos. Kinilala naman ang drayber ng SUV na si Dominador Jallores.

Sa imbestigasyon ng Talomo Police Station, galing Barangay Buhangin si Pagula at papakaliwala paakyat papuntang Shrine Hills nang biglang mabangga ito ng isang papalapit na SUV.

"Pag-abot ani sa tunga sa may kanto langub kusog kaayo ning pajero gikan pangi padulong og north nag-abot sila.. ang motor nadrag ni siya mga pila to ka metro," paliwanag ni Police Captain Victor Maquindang, Deputy Station Commander ng Talomo Police Station.

(Noong nasa gitna na ito sa corner Langub mabilis ang patakbo ng Pajero galing Pangi papuntang north at nagkasalubong sila... na-drag pa itong motor mga iilang metro.)

Hindi nagpaunlak ng panayam si Jallores pero ayon sa kaniya, bigla umanong tumawid ang motorsiklo kaya nabangga niya ito. Mabagal lang din rin umano ang kaniyang pagpapatakbo.

Hindi matanggap ni Aresdeo Pagula, kapatid ni Arsenio, ang nangyari sa kaniyang kapatid.

"Naglutaw ko karon, dili nako maimagine ba nga ingon ana.. ilang sakyanan naa man gud sa tunga okay lang untang sa kilid lang, pero tunga man gud" sabi ni Aresdeo.

(Lutang ako ngayon, hindi ko ma-imagine na nangyari ito... kung titingnan nasa gitna talaga ang impact, okay lang sana kung nasa gilid.)

Desididong magsampa ng kaso ang pamilya ng biktima laban sa nakabanggang si Jallores.

Posible namang mahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to homicide si Jallores.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.