Hirit na substitution ng Duterte Youth binatikos; giit ni Cardema, 'qualified ako'

ABS-CBN News

Posted at May 23 2019 08:07 PM | Updated as of May 24 2019 10:37 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Bumuhos ang batikos kay dating National Youth Commission (NYC) chairman Ronald Cardema dahil sa tangkang pag-upo bilang kinatawan ng Duterte Youth na nakakuha ng isang upuan sa Kongreso sa katatapos pa lang na halalan. 

Gustong palitan ni Cardema ang misis bilang congressman ng grupo.

Paliwanag nito, "natakot" ang kaniyang misis at apat pang ibang nominee ng Duterte Youth kaya't nag-resign sila at siya ang nais maging kinatawan sa Kamara. 

"Alam naman ninyo na nilalabanan talaga namin itong mga makakaliwang grupo sa Kongreso at magaling silang magdebate, so kailangan talaga ang itapat mong pandebate sa kanila e iyung medyo matagal na ring nakikipagdebate sa kanila outside Congress," sabi ni Cardema sa ANC nitong Huwebes.

Pinuna din ng ilan ang pagpapakilala niya sa Facebook bilang "incoming congressman" at pagdalo sa proklamasyon ng mga nanalong party-list kahit wala pang resolusyon ang Commission on Elections sa hirit niyang substitution.

"Medyo ganun lang. Excited," aniya. 

Ayon sa mga kritiko ni Cardema, hayagang nangampanya ito kahit nasa gobyerno pa.

Bukod dito, overage na umano si Cardema, 33, dahil sa batas ay hanggang 30 anyos lang dapat ang maging representate ng sektor ng kabataan.

Pero depensa ni Cardema, hindi lang mga bata kundi maging mga propesyonal ang kinakatawan nila.

Sakaling payagan ng Comelec, target ni Cardema na makipagbakbakan sa mga makakaliwang grupo sa Kamara.


—Ulat ni Christian Esguerra, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.