Dalaga, arestado sa marijuana sa Zamboanga City

RJ Rosalado, ABS-CBN News

Posted at May 23 2019 05:33 AM

Inaresto ng mga pulis ang isang 18 taong gulang na dalaga na Grade 9 student sa isang public school matapos ang isinagawang drug buy-bust operation sa Barangay San Roque, Zamboanga City nitong Huwebes ng madaling araw.

Siyam na pakete ng marijuana ang nasamsam sa estudyante, ayon kay Police Major Ramon Bautista, ang hepe ng Police Station 8.

Nakuha rin mula sa dalaga ang P100 na buy-bust money.

Ayon kay Bautista, nagbebenta umano ng illegal na droga ang dalaga.

Isang asset ng mga pulis ang nagpanggap na poseur-buyer at napaniwala niya ang dalaga na bibili siya ng droga.

Sa tabi ng daan sa Barangay San Roque, ilang metro lang ang layo mula sa kanilang bahay, nakipagkita ang dalaga sa asset ng mga pulis.

Dito na rin siya pinosasan, matapos niyang tanggapin ang buy-bust money.

Sa isang panayam, sinabi ng suspek na inutusan lang siya ng kaniyang kaibigan na iabot ang isang plastic bag, kung saan itinago ang mga droga.

Pero hindi niya umano alam kung ano ang nilalaman nito.

Itinuro din niya ang kaniyang kaibigang babae na siya umanong may kinalaman sa pagbebenta ng marijuana.

Ayon naman sa ina ng naarestong dalaga, hindi niya alam kung paano napasok ang kanyang anak sa pagbebenta ng illegal na droga.

Hindi umano siya nagkulang sa pangangaral dito at pagbibigay ng sapat na atensyon sa kanyang anak.

Nahaharap ngayon ang suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.