'Bikoy' pinabulaanan ang mga paratang sa videos; LP, Trillanes dinawit

ABS-CBN News

Posted at May 23 2019 02:04 PM | Updated as of May 23 2019 08:38 PM

Sumasagot ng mga tanong si Peter Joemel Advincula, ang lalaking nagpakilalang si "Bikoy," sa tanggapan ng Philippine National Police, Mayo 23, 2019. ABS-CBN News

MAYNILA (UPDATE) -- Pinasinungalingan ngayong Huwebes ni Peter Joemel Advincula, ang lalaking nagpakilala bilang si alyas "Bikoy" sa "Ang Totoong Narco-list" videos, ang mga paratang na binitawan niya laban sa mga kaanak at kaalyado ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa press conference sa Camp Crame, sinabi rin ni Advincula na ang kaniyang mga paratang laban kina Duterte ay utos lamang ng opposition party na Liberal Party (LP) at ilang kaalyado gaya nina Sen. Antonio Trillanes IV at Sen. Risa Hontiveros.

"Lahat ng nangyari sa 'Ang Totoong Narco-list,' video... lahat 'yon pawang scripted, lahat 'yon pawang kasinungalingan," sabi ni Advincula, na sumuko sa pulisya.

Watch more in iWant or TFC.tv

Tampok sa mga video ang personalidad na si "Bikoy" na nagsasabing dawit sa kalakaran ng ilegal na droga ang anak ni Duterte na si congressman-elect Paolo Duterte, manugang na si Manases Carpio, at dating aide na si senator-elect Christopher "Bong" Go.

Ayon kay Advincula, nakilala niya si Trillanes sa pamamagitan ng isang pari. Plinano raw nilang siraan ang administrasyon.

Layon umano ng plano, na binansagang "Project Sodoma," na patalsikin si Duterte bago mag-Hunyo 30, 2019, at paupuin sa puwesto si Vice President Leni Robredo, ang chairperson ng LP.

Itinanggi naman ni Robredo, ng ilang opisyal ng LP, at ni Trillanes ang mga paratang ni "Bikoy."

Watch more in iWant or TFC.tv

Ayon kay Robredo, bagaman ilang beses siyang nakipagkita kay Trillanes, wala silang napag-usapan ukol sa destabilization plot.

"Pumunta siya dito sa opisina. Ang purpose niya sa pagpunta is to present the internal survey ng Magdalo para magamit 'yung survey sa pag-strategize sa campaign," sabi ni Robredo sa isang press conference, Huwebes.

"Other than that, in all of our meetings, walang mention about destabilization, walang mention ng pagpapabagsak sa gobyerno, walang mention kay Bikoy, lahat ng usapan tungkol sa kampaniya," dagdag ng bise presidente.

Handa raw si Robredo na humarap sa ano mang imbestigasyon "dahil panatag 'yong loob ko sa katotohanan."

Kinokonsulta naman daw ni Trillanes ang kaniyang mga abogado para sa posibleng paghain ng kaso laban kay Advincula.

"I deny the allegations made by this Bikoy character," sabi ni Trillanes sa isang pahayag.

Itinanggi rin ni LP president Sen. Francis "Kiko" Pangilinan sa isang pahayag na may kaugnayan ang partido kay "Bikoy."

Watch more in iWant or TFC.tv

"Kasinungalingan lahat ang mga paratang na 'yan. Gawa-gawa lang ng administrasyon," ani Pangilinan.

"Laging dinadamay ang LP sa mga ouster plot na gawa-gawa lang para pagtakpan ang mga palpak at kurakot sa administrasyon," dagdag ng mambabatas.

Tinawag naman ni Hontiveros na produkto ng imahinasyon ng Malacañang ang pagbaligtad ni Advincula.

PINANGAKUAN NG PERA

Ayon kay Advincula, pinangakuan siya ng P500,000 para lumabas sa mga "Ang Totoong Narco-list" video pero wala raw siyang natanggap.

Hindi na raw nakipag-ugnayan sa kaniya si Trillanes matapos ang halalan noong Mayo 13, kung saan nabigong makakuha ng puwesto sa Senado ang mga kandidato ng oposisyon.

Ayon kay Philippine National Police (PNP) chief Police Gen. Oscar Albayalde, hindi umano puwedeng tanggapin na lang ang mga pahayag ni Advincula nang walang pinapakitang ebidensiya.

Kaduda-duda rin daw ang kredibilidad ni Advincula matapos itong magpapalit-palit ng pahayag.

Magugunitang nang unang lumutang si Advincula nitong buwan ay itinanggi niyang may kaugnayan sa oposisyon ang mga video.

Arestado si Advincula dahil sa mga kinahaharap niyang kasong estafa na inilabas ng korte sa Baguio City.

Mananatili muna si Advincula sa PNP Custodial Center hanggang hindi siya pinakakawalan ng korte, ani Albayalde.

Titimbangin din ng PNP kung dapat bigyan ng seguridad si Advincula at ang pamilya nito.

KATIBAYAN HININGI NG PALASYO

Hinamon naman ng Malacañang si Advincula na magpakita ng katibayan sa kaniyang mga pahayag.

Watch more in iWant or TFC.tv

Sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na hindi siya agad-agad naniniwala sa sinasabi ni Advincula bagaman inabsuwelto nito ang pamilya Duterte sa droga.

"We'd have to wait for Advincula to substantiate his charges. After that, let's see. If there are charges to be filed in court, then the truth will come out," ani Panelo.

Dagdag pa ni Panelo, titingnan na lang nila kung ano ang mangyayari matapos idawit ni Advincula ang LP at si Trillanes sa "Bikoy" videos.

"We will just watch and look for whatever development," dagdag ni Panelo.

Nagpahiwatig naman si Go ng legislative inquiry ukol sa mga paratang ni "Bikoy." Kasama raw sa mga ipatatawag ay si Trillanes.

"Trillanes, hintayin mo rin. Baka ikaw rin ang ipatawag ko," ani Go.

Nanawagan din si Paolo Duterte — na nahalal na kongresista sa Davao — ng imbestigasyon sa mga bagong pahayag ni Advincula lalo na at maraming pangalan ang naglutangan.

Tinawag naman ni Davao City Mayor Sara Duterte na "scam" si "Bikoy."

-- May ulat nina Raffy Santos, Sherrie Ann Torres, Adrian Ayalin, at Joyce Balancio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.