6 timbog sa droga sa Novaliches

Lyza Aquino, ABS-CBN News

Posted at May 23 2019 05:37 AM

Nasabat ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) Station 4 ang mahigit P50,000 halaga ng iligal na droga sa buy-bust operation sa Brgy. Bagbag, Novaliches, Quezon City.

Arestado ang target ng operasyon na sina alyas Boss, na dati nang nakulong sa kasong may kinalaman sa droga, pagnanakaw, at frustrated homicide; at isang alyas Bokyo na naaresto rin dati dahil sa iligal na droga. 

Nalambat rin ang apat sa kanilang parokyano, kabilang na dito ang tatlong menor de edad.

Batay sa paunang ulat ng QCPD Station 4, mag-aalas onse Miyerkoles ng gabi nang ikasa nila ang operasyon kung saang nakabili ang kanilang poseur buyer ng P5,500 halaga ng shabu mula sa mga suspek.

Kalaunan ay nasamsam ang pitong sachet ng hinihinalang shabu na may bigat na walong gramo. Mahaharap ang mga naaresto sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.