31 Lumad na lumikas dahil sa umano'y militarisasyon nakauwi na sa Davao del Norte

Bonna Pamplona, ABS-CBN News

Posted at May 23 2019 04:41 PM

Nakauwi na ang 31 bakwit mula sa Haran compound sa Davao City sa kanilang bayan sa Kapalong, Davao del Norte. Larawan mula sa Philippine Information Agency-Region XI

DAVAO CITY – Matapos ang halos apat na taon, nakabalik na sa kanilang mga tirahan sa Kapalong, Davao del Norte and 31 mga Lumad na nag-evacuate sa Haran Compound sa lungsod dahil sa umano'y militarisasyon sa kanilang bayan.

Kinumpirma ng 10th Infantry Division ng Philippine Army na Martes nang umalis na sa compound ang mga Lumad.

Ayon kay 10th ID spokesperson Maj. Jerry Lamosao, napagod na umano ang mga Lumad sa loob ng Haran dahil kinukulang na sila ng pagkain.

Binigyan naman agad sila ng livelihood assistance ng lokal na pamahalaan ng Kapalong.

Inihahanda na rin ng awtoridad ang mga isasampang kaso sa mga responsableng nagdala ng mga Lumad sa Davao City.

"Case buildup with lawyers for possible [filing of cases of] trafficking, illegal detention,” ayon kay Police Capt. Jason Baria, spokesperson ng Police Regional Office XI.

Sa halos 1,000 mga Lumad na lumikas papunta sa siyudad noong 2015, may higit 100 pang bakwit ang nananatili sa Haran compound.

Ayon kay Datu Tungig Mansomoy-at ng tribong Manobo, babalik lamang sila sa Kapalong kapag tiyak na ang kanilang kaligtasan at wala nang mangyayaring harassment ng militar sa mga Lumad. Pinabulaanan naman ito ng militar.

Nananawagan siya na mabigyan ito ng solusyon para makabalik silang matiwasay sa kanilang lugar at makapamuhay ng maayos.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.