10 timbog sa Bacoor anti-drug ops

ABS-CBN News

Posted at May 23 2019 05:57 PM | Updated as of May 23 2019 09:18 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Sampu ang arestado sa magkakasunod na operasyon ng pulisya kontra ilegal na droga sa Bacoor City, Cavite.

Pinasok ng mga tauhan ng Bacoor City Police Station ang isang apartment sa Barnagay Bayanan, kung saan inaresto ang 4 suspek.

Nakuha sa mga suspek ang 50 gramo ng shabu na nakatakda raw sana nilang ibenta at nagkakahalagang higit P300,000.

Sunod namang sinalakay ng Bacoor police ang isang bahay sa Barangay Molino II, kung saan naaresto ang isa umanong tulak at kaniyang kinakasama.

Dinampot din ng mga awtoridad sa nasabing bahay ang isang babaeng naabutang kasama ng mag-live-in partner.

Nakuha sa mga suspek ang higit P20,000 halaga ng ilegal na droga.

Sa kalapit na basketball court naman hinuli ang 3 lalaki na umano ay mga runner ng mag-live-in partner.

Sa basketball court nangyayari ang bentahan ng droga, ani Police Lt. Col. Vicente Cabatingan, hepe ng Bacoor police.

Isinasabay raw ng mga suspek ang paglalaro ng basketball sa pagbebenta ng droga para hindi mapansin ng mga tauhan ng barangay.

Kinasuhan ang mga suspek ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

--Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.