SAPUL SA CCTV: 'Tirador' ng bisikleta sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at May 23 2018 03:03 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Timbog ang isang lalaki matapos tumangay ng bisikletang nakaparada sa eskinita sa Singalong, Maynila noong Linggo.

Pasado alas-3 ng madaling araw noong Linggo nang gawin ng lalaki ang krimen na nahagip ng CCTV sa lugar. 

Sa video, makikita ang lalaking si Joselito Tablan na pumasok sa eskinita sakay ng sarili niyang bisikleta. Iyun pala ay tinitiktikan na niya ang isa pang bike na nakaparada sa lugar. 

Ilang sandali pa, bumalik siya suot ang ibang damit at doon na niya tinanggal ang padlock at kadena ng bisikleta at saka ito tinangay.

"Nu'ng Sunday may event sa amin, basketball championship, nanood ako so inabot ng hatinggabi. Pinapasok ko naman 'yung bike pero nawala na...Sa totoo lang nawalan na ako ng pag-asa na makukuha pa," ayon sa may-ari na si George Japa. 

Nasa P12,000 umano ang halaga ng bike pero mas matimbang daw ang "sentimental value" nito dahil bigay ito ng kaniyang manugang.

Ginagamit ito ni Japa sa pag-eehersisyo at kapag magsisimba sa Quiapo tuwing Linggo.

Ayon sa pulis, labas-masok na sa presinto ang suspek at ikapitong kaso na ang robbery na isasampa laban sa kaniya ngayon.

"Paulit-ulit na lang, dati nang nahuli 'yan, hindi na bago 'yan," ayon kay Senior Inspector Neil de Castro, hepe ng intelligence division ng Malate police. 

Nakaw din umano ang bike na gamit ni Tablan papunta sa Singalong.

Nitong Pebrero 20, nahuli din ang suspek na sumalisi sa isang kainan sa Quirino Avenue kung saan tinangay niya ang tatlong cellphone ng mga tulog na tauhan.

Depensa ni Tablan, nagnanakaw siya para may panggastos araw-araw.

Sa ngayon, sisikapin daw niya na mabawi pa ang bike na naibenta na niya sa isang security guard.

--Ulat ni Jervis Manahan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.