Pakiusap sa mga 'bakwit' ng Marawi: 'Please be patient'

ABS-CBN News

Posted at May 23 2018 09:26 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Isang taon mula nang unang sumiklab ang gulo sa Marawi City, humingi si Presidential Adviser on the Peace Process Jesus Dureza sa mga residente ng pasensiya sa paglutas sa mga problemang iniwan ng halos kalahating taong bakbakan.

Sa press briefing sa provincial capitol ng Lanao Del Sur nitong Miyerkoles, mismong araw ng paggunita sa Marawi siege, kinilala ni Dureza ang pagkainip ng mga na-displace na residente pero sinabing hindi maaaring madaliin ang rehabilitasyon.

"Please be patient. There’s no magic formula here. There’s no reconstruction that will happen overnight, there will be a lot of challenges," sabi ni Dureza.

Sa labas naman ng kapitolyo, nagdaos ng protesta ang mga "bakwit" o evacuee na Maranao na nais maibalik sa kanila ang mga tirahang dinurog ng sagupaan sa pagitan ng militar at teroristang grupong Maute.

May 27,925 pamilya ang klasipikadong "internally displaced person" na hindi pa nakauwi mula nang mangyari ang sigalot, ayon sa lokal na pamahalaan. 

Ayon naman sa pinuno ng isang tent community sa Marawi, tubig pa lang ay problemado na ang kanilang kampong kinabibilangan ng higit 300 pamilya.

"Maaga pa lang ay wala nang tubig, hindi umaabot 'yan ng isang oras. Talagang empty na 'yong nilalagyan ng tubig," ani Ismael Ali, camp manager sa Barangay Bito Buadi Itowa, Marawi.

Bagaman nagpapadala ng tubig ang Red Cross, mas marami pa rin umano ang nag-aabang para makapag-igib kaysa sa tubig na maiigib.

Ipinahayag din ng ibang bakwit ang pagnanais nilang bumalik sa dating nakasanayang buhay.

"Gusto naming bumalik doon, kailangan namin 'yong bahay," ani Sittinor Sirad.

"'Yong bahay namin naalala ko kasi noong una, 'yong pamumuhay namin maganda doon, ngayon iba na," dagdag ni Sirad.

Watch more in iWant or TFC.tv

MGA NAWAWALA AT DI PA NAKIKILALANG BANGKAY

Bukod sa problemang nararanasan ng mga residente, problema rin ang mga nawawala at mga bangkay na hindi pa nabibigyan ng pagkakakilanlan.

Sa huling tala ng Philippine National Police noong Disyembre, pumalo sa 78 katao ang nawawala dahil sa digmaan, na nagwakas noong Oktubre.

Ayon naman sa International Committee of the Red Cross (ICRC), higit 100 kaso ng missing persons ang inaasikaso nila.

Samantala, mula sa 161 na nakuhang bangkay, 10 pa lang ang nabibigyan ng pagkakakilanlan, ayon sa lokal na pamahalaan.

Mahalaga rin umanong mabigyang linaw na hindi lahat ng mga nakuhang bangkay sa main battle area ay tagasuporta o miyembro ng Maute group kaya dapat silang mabigyan ng pagkakakilanlan upang matukoy kung isa ba sila sa mga pinaghahanap.

Pero ang malabo ay kung anong ahensiya ang aasikaso sa kaanak ng mga nawawala matapos buwagin noong nakaraang taon ang Management of the Dead and Missing Persons (MDM), na binubuo ng iba't ibang ahensiya sa pangunguna ng Department of the Interior and Local Government.

Ayon kay ICRC communications head Heidi Anicete, responsibilidad ng gobyerno na tumulong sa kaanak ng mga nawawala.

"It is the government authorities' responsibility na makapag-set up ng system na ganito so that families with missing relatives due to the conflict in Marawi could actually reach out to search for their missing family members," aniya.

Para naman kay Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) Assemblyman Zia Alonto Adiong, sana ay hindi nawala ang MDM.

"We request the MDM to remain 'yong tao nila dito sa kapitolyo para mas mabilis," ani Adiong. "'Yon ang request sana namin, sana 'di sila nag-pull out dito."

Isang taon mula nang unang pumutok ang digmaan sa Marawi, isang taon na ring hindi naririnig ni Melgie Powao ang boses ng kaniyang mister na si Victor, isang construction worker sa Marawi na nabihag ng mga Maute.

"Gusto ko sabihin sa kaniya na humihingi ako ng sorry sa kaniya, mahal na mahal ko siya," sabi ni Powao.

Construction worker din ang mister ni Evelyn Powao, na nagtatrabaho ngayon sa karinderya para maitaguyod ang tatlong anak.

"Gusto ko lang makita kung bangkay na siya. Okay na sa 'kin. Ang hirap-hirap, 'yong mga anak ko, wala akong masandalan," ani Evelyn.

Bagaman noong nakaraang taon ay lumapit na sa gobyerno ang ilang misis ng mga nawawala, dahil nabuwag na ang gaya ng MDM, nananatiling palaisipan ngayon kung sino ang aasikaso sa kanila.

-- Ulat nina Jorge Cariño at Jeff Canoy, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.