Paghahati sa Palawan, aprubado na sa komite ng Kongreso

Lynette Dela Cruz, ABS-CBN News

Posted at May 23 2018 09:59 PM

Inaprubahan na ng House Committee on Local Government ng Kongreso ang panukalang hatiin ang Palawan sa tatlong probinsiya.

Ipinatawag ng komite si Governor Jose Alvarez at iba pang mga opisyal ng lalawigan para talakayin ang usapin at pagpaliwanagin ang mga ito kung bakit kailangang hatiin ang lalawigan.

"Siyempre, sinagot naman lahat ni Governor na mahirap ang ating probinsiya sapagkat almost 800 kilometers from north to south. so kung sa Luzon tayo, tatlong probinsiya na ang madadaanan natin," paliwanag ni Board Member Leoncio Ola na isa sa mga dumalo sa pagdinig.

Inalam rin ng Kongreso kung pasok sa kinakailangang land area, population at income ang gagawing paghahati.

Base sa Local Government Code, kailangang nasa 2,000 square kilometers ang land area, P20 million ang income, at humigit-kumulang 250,000 ang populasyon ng isang lalawigan.

Ayon kay Ola, pasok ang tatlong bagong lalawigan ng Palawan sa mga pamantayang ito. Kung matutuloy ang paghahati, tatawaging Palawan Del Sur, Palawan del Norte at Palawan Oriental ang tatlong lalawigan.

Nasagot rin umano lahat ng posibleng problema gaya kung may oposisyon at kung sino ang makikinabang sa kikitain sa Malampaya gas field.

"Halimbawa, makuha ang Malampaya - that is from northern Palawan, El Nido. Saan mapupunta? Doon naman sa aming resolusyon ay equitable sharing. Ang ibig sabihin, lahat ng tatlong probinsiya, makikinabang diyan," paliwanag ni Ola.

Ipapasa ang resolusyon sa Committee on Rules, saka i-eendorso sa plenary. Kapag naaprubahan ay ipapasa na ito sa Senado at saka i-aadopt ang mga rekomendasyon ng Committee on Rules.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.