Mga estudyante, guro, nag-Zumba pantustos sa 'Brigada Eskwela'

ABS-CBN News

Posted at May 23 2018 03:22 PM | Updated as of May 23 2018 03:58 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa isang eskuwelahan sa Pangasinan, sabay-sabay na nag-Zumba ang mga guro at estudyante para makalikom ng pondo sa "Brigada Eskwela" na nakatakda na sa Lunes.
    
"Backstreet Boys" throwback ang nag-warm up sa 200 lumahok na mga mag-aaral at titser ng Mangaldan National High School (MNHS).

"At least, nakaka-enhance ng vitality ng ating sarili. Dahil dito, nakakapag-sweat tayo so lumalabas 'yung ating mga extra (fats)," ani Gerardo Bandarlipe, isa sa mga lumahok sa Zumba.

Sa quadrangle nagtipon ang mga ito para sa morning Zumba na may bayad na P50, na gagamitin pandagdag sa pondo ng high school. 

Isa ang paglilinis ng drainage system sa prayoridad ng MNHS sa nakatakda nilang Brigada Eskwela sa Lunes. Screengrab mula sa Headline Pilipinas

Declogging ng drainage ang prayoridad ng Brigada Eskwela ng paaaralan para hindi sila bahain sa susunod na tag-ulan.

"Pati kasi mga CR barado na rin. Eh para sa health ng mga bata 'yan," ayon kay Dr. Leo Blaquir, principal ng MNHS.

Nakatakda namang gumawa ng iba pang fundraising activities ang eskuwelahan tulad ng art sessions.

Hinihikayat din ang publiko na kung hindi man makapag-donate ay tumulong na lang sa pagkukumpuni at paglilinis pagdating ng Brigada Eskwela. 

--Ulat ni Michelle Soriano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.