Ilang bansa sa Europe, posibleng bagong destinasyon ng OFWs

ABS-CBN News

Posted at May 23 2018 08:39 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Tinitingnan ang posibilidad na maging bagong destinasyon ng overseas Filipino workers (OFWs) ang ilang mga bansa sa Europa dahil sa umuusbong umano na demand ng mga ito para sa mga manggagawang Pinoy.

Tutungo ang ilang kinatawan ng Philippine Association of Service Exporters Inc. (PASEI) sa apat na bansa sa Europa upang talakayin ang mga posibleng oportunidad para sa mga OFW.

Kabilang dito ang Czech Republic, Poland, Germany at Austria.

Ani PASEI president Elsa Villa, pangunahin umanong kailangan ng mga naturang bansa ang mga healthcare professional katulad ng nurse at caregiver.

"They have an aging society, mas maraming matatanda...[kaya] need [ang] special care," ani Villa.

Dadag ni Villa, ang Poland umano ay naghahanap ng mga karpintero at construction worker dahil sa mga nakalinyang infrastructure project sa nasabing bansa.

"Marami silang craftsmen [na] skilled but they tend to leave [the] country. Walang tao, ang daming projects sa Poland," ani Villa.

Ang Czech Republic naman ay nangangailangan umano ng mga IT professional at mga eksperto sa transportasyon.

Paalala ni Bernard Olalia, administrator ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA), kinakailangan umano ang pagkakaroon ng bilateral agreement sa pagitan ng Pilipinas at mga nasabing bansa kung magkakaroon ng malakihang pagpapadala ng mga OFW.

Ito ay upang masiguro umano ang kaligtasan ng mga Pilipino sa nabanggit na mga bansa.

Positibo naman ang PASEI na magiging maganda ang kalalabasan ng pakikipag-usap nila sa mga kinatawan ng apat na bansa sa Europa.

-- Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.