Drug surrenderer, arestado sa Legazpi

Karren Canon, ABS-CBN News

Posted at May 23 2018 11:29 AM

Nakuha mula sa bahay ng suspek ang limang sachet ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga umano ng P300,000.

LEGAZPI CITY – Arestado ang isang dating drug surrenderer matapos na mahulihan ng droga, Miyerkoles ng madaling araw sa Barangay Victory Village.

Nasa kustodiya na ngayon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Bicol ang 49-anyos na suspek matapos marekober sa kanyang bahay ang limang sachet ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P300,000.

Ang suspek ay kapatid ng incumbent na barangay chairman ng Victory Village at ika-10 sa target list ng PDEA sa pagbebenta ng shabu sa Albay.

Taong 2016 nang sumuko sa Oplan Tokhang ang suspek.

Itinanggi naman ng suspek ang alegasyon ng PDEA na sa kaniya ang mga nakuhang droga sa operasyon.

Kasama sa search warrant operation ang asawa ng suspek na umano’y katuwang sa pagbebenta ng shabu. Pero wala ito sa kanilang bahay nang isinagawa ang operasyon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.