Clearing ops para sa SONA sinimulan na; ex-cong nasampolan

ABS-CBN News

Posted at May 23 2018 09:11 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Kahit dalawang buwan pa ang bibilangin, pinaghahandaan na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang State of the Nation Address (SONA) ng pangulo sa Hulyo kaya't puspusan na ang kanilang clearing ops sa mga kalsada malapit sa Batasang Pambansa. 

"Ang IBP Road pinaluluwag natin. Unang-una, ito ang arterial road papuntang Batasan. Ayaw naman natin na kapag andiyan na ang SONA saka pa lang kami maglilinis. Ngayon pa lamang, gingawa na namin para pagdating ng Hulyo ready na kami," ani MMDA Special Operations Group head Bong Nebrija.

Isa rin ito sa nakikita nilang paraan para maibsan ang trapiko bunsod ng ginagawang MRT 7. 

Ilan sa mga nasampolan ang mga sasakyan na tinow dahil nakaharang sa kalsada. Kinuha rin ang mga gulong ng isang vulcanizing shop na nasa sidewalk. 

Ang ikalawang palapag ng isang bahay na lagpas sa sidewalk, hindi pinagbigyan ng MMDA at tinibag din.

Pero ang isang ikinaiinis ng MMDA ay ang mga nalimas na dating bangketa pero muling nagsulputan.

"Ito ang kalakaran eh. Bumabalik-balik," ani Nebrija. 

Bukod sa mga rerouting scheme, nilinis din ang Visayas Avenue na kadalasang nagdudulot ng bottleneck.

Dating kongresista, nakipagtalo

Isa sa mga nahuli sa operasyon ng MMDA ang dating kongresistang si Emigdio Lingad dahil sa number coding. Depensa niya, nagsimba siya at malapit lang ang kaniyang bahay. Screengrab mula sa TV Patrol

Sa gitna ng operasyon, nakipagtalo naman ang isang lalaki nang pinatigil siya ng MMDA sa bahagi ng Commonwealth Avenue dahil sa paglabag sa number coding.

Depensa niya, hindi pa siya dapat hulihin dahil maaga pa naman. Nagpakilala ito bilang si dating Pampanga Rep. Emigdio Lingad.

"I went to mass at 6 a.m. Lumabas ako ng 7 a.m. Alangan namang maglakad ako? Malapit lang ang bahay ko," depensa ng dating kongresista. 

Hindi pa rin ito pinalampas ng MMDA at pinilit hingin ang lisensiya ni Lingad.

"Pagbigyan niyo naman po kaming gawin ang trabaho namin, sir," ani Nebrija. 

Sa huli, isinurender na rin niya ang lisensya at siya’y natiketan.

"Mga wala kayong awa. Nagsisimba ang tao," huling banat ni Lingad matapos tiketan. 

--Ulat ni Ernie Manio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.