Case profile ng undocumented OFWs mungkahi ni Sen. Binay

ABS-CBN News

Posted at May 23 2018 03:55 PM

Ang mga OFW na ito ay kabilang sa mga umuwi mula Kuwait noong Pebrero sa ilalim ng programa ng gobyerno. Jonathan Cellona, ABS-CBN News

MANILA - Iminungkahi ni Senador Nancy Binay ang pagkakaroon ng case profile ng lahat ng undocumented overseas Filipino workers (OFWs) na umuuwi mula sa Kuwait at maging sa ibang bansa.

Ito ay upang malaman kung paano sila nakabiyahe bilang undocumented worker.

"Katulad ngayon na umuuwi ang mga kababayan natin na ilegal na nakapasok sa Kuwait, kino-collate niyo ho ba 'yun at kinakausap na parang 'O, sige, paano ka nakarating sa Kuwait ng ilegal?' May ganun ba tayong study o collation of data na nagaganap?" tanong ni Binay sa pagpapatuloy ng Senate inquiry sa mga ulat ng pang-aabuso at pagkamatay ng mga OFW sa abroad.

Ayon kay Lita Hizon, miyembro ng governing board ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA), mahirap matukoy ang mga unlicensed recruitment agencies na ilegal na nagpapalabas ng mga manggagawa.

"Kasi nga po nagtatago sila," pahayag niya.

Bukas naman si Labor Secretary Silvestre Bello III sa mungkahi ni Binay.

"Maybe that's a very good idea na dapat siguro even those coming back found to be undocumented siguro we should have data for that," ani Bello.

Aminado si Bello na nalalaman lang ang undocumented status ng OFW kapag napauwi na ito.

"'Yung mga bumabalik, that's the only time that we learn na undocumented sila," sabi niya.

Higit 5,000 undocumented workers na ang napauwi mula sa Kuwait sa ilalim ng amnesty program ng Gulf state. Tinatayang nasa 3,000 pa ang mga undocumented OFW na hindi nag-avail ng amnesty program.

Inaasahan naman na magiging mabuti na ang sitwasyon ng mga OFW sa Kuwait matapos lagdaan ang memorandum of understanding sa pagitan nito at ng Pilipinas kamakailan.

Ibinahagi naman ni Foreign Affairs Undersecretary Ernesto Abella ang mga importanteng bahagi ng naturang kasunduan.

Isa na dito ay ang pagkilala sa Philippine passport bilang pag-aari ng Pilipinas at ang pagtigil sa nakaugalian nang pagkumpiska ng employer sa pasaporte ng isang OFW. 

Ikalawa ay ang pagbubukas ng bank account ng OFWs para magkaroon ng proper record o paper trail. Ikatlo ay ang pagbabalangkas ng standard employment contract. 

Sunod dito ay ang pagbibigay ng employer ng pagkain, tirahan, damit at health insurance sa kaniyang worker, ang pagpayag sa paggamit ng mobile phone, at ang pagtiyak na masusunod ang sahod na nakasaad sa kontrata.

"With the signing of the agreement and the approval of additional guarantees that we asked our Kuwaiti friends to extend, the more than 250,000 Filipinos in Kuwait can now be assured of prompt and effective assistance if needed," sabi ni Abella.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.