ALAMIN: Programa ng AFP para sa mga tumalikod sa 'radikalisasyon'

Jeff Hernaez, ABS-CBN News

Posted at May 23 2018 02:26 PM

Wala pa mang sumisiklab na bagong gulo sa Marawi City, sinabi na ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na umaarangkada na ang ilang programa nilang layon baguhin ang pananaw ng mga nakaranas ng radikalisasyon. 

Isang taon matapos ang giyera, aminado ang AFP na mahirap magtiwala. 

Pero ito mismo ang hinihingi ng programa nilang "Preventing and Countering Violent Extremism" (PCVE) na isa sa nakikitang solusyon para manumbalik ang payapang pamumuhay ng mga taga-Mindanao. 

Dito, walang armas na hawak at hindi galit ang nangingibabaw kung hindi pakikisama, pakikinig, at paghahanap ng solusyon.

"These people have been enlightened...We believe that the program is the answer to a more sustainable, peaceful environment...It's geared towards long term solutions," paliwanag ni Col. Romeo Brawner, deputy commander ng Joint Task Force Ranao. 

Isa si Wiril Muril sa nagpasiyang talikuran ang karahasan at gumising mula sa bangungot ng digmaan.

Umalis siya sa pagiging miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) at naghangad ng pagbabago. 

"Nasa sa amin na kung hindi magtatagumpay ito, 'yung mga pamamaraan na itinuro niyo sa amin. Kung hindi magtatagumpay, kasalanan na namin 'yun...Ayon nga sa nasabi ko, gusto ko talagang magtagumpay," ani Muril.

Dati ring commander ng Moro National Liberation Front (MNLF) si Suwaib Tawasil. 

Ang dating kalaban ng militar noong Zamboanga siege, katuwang na ngayon para labanan ang radikalisasyon lalo na sa kabataan. 
    
Ang kaniyang nakitang solusyon: gawing eskuwelahan ang dating training camp ng MNLF sa Upper Garlayan, Basilan. 

Para sa militar at dating miyembro ng ASG at MNLF, wala nang kaliwa o kanan dahil kapwa silang nagtagpo sa ginta.

At bagama't aminado sina Muril, Tawasil, at Brawner na mahaba pa ang landas tungo sa kapayapaan, isa lang ang malinaw para sa kanila: ginagawa nila ito para sa susunod na henerasyon. 

Katuwang ang mga non-government organization (NGO) at ibang ahensiya ng pamahalaan, kasalukuyang ginagawa ng AFP ang PCVE sa mga lugar na nakikitaan ng "violent extremism" gaya ng Basilan, Jolo, Zamboanga, Maguinadanao, at Lanao del Sur. 

Umaasa silang darating ang panahon na tuluyan nang mawawala ang radikalisasyon ng kabataan at mananaig ang payapa at normal na buhay sa rehiyon. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.