ALAMIN: Ano ang rebelyon at ano ang parusa rito?

ABS-CBN News

Posted at May 23 2018 04:27 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Ginugunita ngayon, Mayo 23, ang unang anibersaryo ng pagsisimula ng bakbakan sa Marawi City na kumitil sa buhay ng 1,131 katao.

May kaugnayan dito ang usaping rebelyon na tinalakay nitong Lunes sa programang "Usapang de Campanilla" ng DZMM.

Noong nakaraang taon ay sinubukang kontrolin ng armadong grupo na Maute ang siyudad ng Marawi sa Lanao del Sur ngunit nasupil sila ng mga puwersa ng gobyerno.

Napatay sa limang buwang bakbakan sina Isnilon Hapilon at Omar Maute, mga lider ng bandidong grupo. 

Ayon kay Atty. Claire Castro, ang rebelyon ay ang marahas na pagsakop sa isang lugar upang makuha ang kontrol dito mula sa gobyerno. 

"Ang pinaka-purpose nito ay politikal," ani Castro.

Dagdag pa ni Castro, ang pagpatay at pagdukot na ginawa bilang parte ng pag-aalsa ay pasok sa kasong rebelyon.

Aniya, ang rebelyon ay isang paglabag sa Revised Penal Code. 

Ang mga taong mapapatunayan na nagplano at nanguna sa rebelyon ay posible umano na maparusahan ng reclusion perpetua o hanggang 40 na taong pagkakakulong.

Ang mga tumulong naman sa pag-aaklas ay posibleng maparusahan ng reclusion temporal at maaaring makulong ng hanggang 20 taon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.