Sasakyan, nagliyab sa Tacloban City

Ranulfo Docdocan, ABS-CBN News

Posted at May 23 2017 02:50 PM | Updated as of May 24 2017 10:47 AM

Video courtesy of Jose Ampuyas

Nagliyab ang isang Isuzu pick-up habang sakay ang dalawang pulis na maghahatid ng ebidensiya sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Martes ng madaling araw sa Tacloban City.

Ayon sa impormasyon mula sa Bureau of Fire Protection Tacloban, biglang nagliyab ang sasakyan paglagpas sa San Juanico Bridge sa Cabalawan, Tacloban. Galing Giporlos sa Eastern Samar ang dalawang pulis.

Nakalabas naman sa nasusunog na sasakyan ang dalawang pulis at naisalba din ang mga ebidensiya na naihatid din nila sa PDEA matapos ang sunog.

Napag-alaman pa na ang may-ari ng sasakyan ay ang Alkalde ng bayan ng Giporlos sa Eastern Samar. Nagtulong-tulong ang nga residente at ang mga bumbero upang maapula ang apoy.

Tumanggi naman na magpa-interview ang dalawang pulis.

Patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga bumbero ukol sa insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.