Pagpapagawa ng sirang escalators at elevators ng LRT-2, sinimulan na

Miguel Dumaual, ABS-CBN News

Posted at May 24 2017 02:29 AM

Sinimulan na ng Light Rail Transit Authority (LRTA) ang P138 million na proyektong pagpapapalit ng depektibong conveyance system, o mga elevator at escalator, sa 11 estasyon ng LRT-2.

Ipinakita sa media ngayong Martes ang proyektong sinimulan noong Marso at target tapusin ngayong Setyembre.

Sa kabuuan, 32 ang elevators at 58 ang escalators ng LRT2. Wala sa mga elevator ang gumagana, at 31 na escalator lang ang nagagamit pa.

Sa ilalim ng proyekto, lahat ng elevators at 13 escalators na hindi na gumagana ay papalitan.

Sa susunod na yugto ng proyekto na may budget na P58 million, 14 na escalators pa ang papalitan.

Lahat ng papalitang escalators at 4 sa papalitang elevators ay nasa Recto Station. 

Ayon kay LRTA administrator Reynaldo Berroya, isa ang Recto Station sa prayoridad na maayos agad dahil maraming pasahero ang bumababa at sumasakay dito.

Ayon naman kay LRT engineer Santos Abrazado, karamihan ng elevator at escalator ay may lifespan na 10 taon, depende na rin sa mga piyesa nito. 

Aniya, depende sa stasyon, 2003 at 2004 pa nang simulang mag-operate ang conveyance system ng LRT-2. Kaya’t kung kokompyutin, noong 2013 o 2014 pa dapat nagkaroon ng major repair ang maraming elevators at escalators.

Ito ang paliwanag niya kung bakit maraming conveyance system ang hindi na nagagamit ng mga pasahero ng LRT-2.

Nanawagan naman ang pamunuan ng LRT-2 ng pasensya sa mga pasahero. Ang mga depektibong elevator kasi na ginagawang hagdan ay nakasara rin dahil sa proyekto. 

Tiniyak naman ng LRTA na tadtad ng warning signs ang mga inaayos na conveyance system para sa kaligtasan ng mga pasahero.