P600K halaga ng droga kumpiskado sa 2 suspek sa Makati

ABS-CBN News

Posted at May 23 2017 09:01 AM

Si alyas "Boyet" at John Jae Enicuela, mga high value targets na naaresto sa umano'y pagtutulak ng ilegal na droga sa Makati. Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Arestado ang dalawang lalaking hinihinalang tulak ng droga sa isang buy-bust operation ng Drug Enforcement Unit ng Southern Police District sa Baranagay Rizal, Makati, Lunes ng gabi.

Kinilala lamang ang isa sa mga suspek sa alyas na "Boyet" habang ang kasamang umano'y "runner" ay kinilalang si John Jae Enicuela.

Narekober sa mga suspek ang tig-limang gramong sachet at dalawang malalaking pakete ng hinihinalang shabu.

Tinatayang aabot sa 120 gramo ang mga nakumpiskang droga mula sa mga suspek. Nagkakahalaga umano ito ng mahigit P600,000.

Sa dami ng ibinebenta, itinuring na ng mga pulis ang mga suspek bilang "high value targets." Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Aminado si Boyet na kanya ang mga nakuhang droga pero nakiusap itong itago ang kanyang pangalan para hindi malaman ng kanyang mag-ina ang ginawa niya.

Napaluha si Boyet nang ikuwento kung paano siya nagsimula sa ilegal na gawain mula nang magkasakit umano siya sa atay noong 2012 kung saan kinailangan niya ng pera para sa pagpapagamot.

Kaarawan pa umano ng kanyang anak at wala siyang pera kaya siya pumasok sa ilegal na gawain. Aminado rin siyang nawili siya sa masarap na buhay.

Samantala, aminado rin ang kasama niyang si Enicuela, 22, sa pagiging "runner." Ani Enicuela, na may sakit sa baga, isa siyang mekaniko at sideline lang niya ang ilegal na gawain.

Para naman kay Chief Inspector Jerry Amindalan, hepe ng Southern Police District, hindi dahilan ang kanilang mga nabanggit para pumasok sa ilegal na gawain.

Haharap ang dalawa sa kasong paglabag ng Dangerous Drugs Act. Tinutunton naman ng pulisya ang pinagmumulan ng suplay ng droga nina Boyet.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.