Lalaking nagkakabit umano ng jumper, patay matapos makuryente

Ron Lopez ABS-CBN News

Posted at May 23 2017 09:05 AM | Updated as of May 23 2017 05:57 PM

Patay ang isang lalaki matapos makuryente habang nagkakabit umano ng jumper o ilegal na koneksiyon ng kuryente sa Port Area, Maynila, ala-1:30 ng madaling araw ng Martes. 

Ilang kaanak ang nakakita sa biktimang si Randy Lavapie na nangingisay sa poste at nakasabit sa kawad ng kuryente sa Barangay 650, Zone 68. 

Agad na binawian ng buhay ang 31 taong gulang na manggagawa, pero hindi siya agad na naibaba mula sa poste dahil kinailangan pa ang tulong ng mga tauhan ng power distributor. 

Nagtamo ng mga sugat sa kamay at likuran si Lavapie dahil sa daloy ng kuryente. Naputulan din siya ng daliri. 

Naulila niya ang asawa at limang maliliit na anak.

Ayon sa biyenan ng biktima, nagawa lamang iyon ni Lavapie dahil malamok sa kanilang bahay at nagkasakit na ng dengue ang kanyang mga anak. 

Kinumpirma naman ng barangay tanod na si Alex Alaban na may ilang residente sa lugar na nagkakabit ng iligal na koneksyon ng kuryente kahit na alam nilang ipinagbabawal ito. 

Ito na umano ang pangalawang pagkakataong may naaksidente sa pagkakabit ng jumper sa kanilang lugar, dagdag ng barangay. Ang una ay noong 2014 kung saan himalang nabuhay ngunit paralisado ang biktima.

Paliwanag naman ng Meralco, may 25 tauhan sila na nag-iikot sa mga lugar na may ilegal na koneksiyon at nakakukumpiska sila ng halos 40 kilo ng cable wire kada araw. Sa kabila nito, marami pa rin umano ang matitigas ang ulo. 

Nagpapaalala naman ang awtoridad na bukod sa pagkakakulong ay buhay ang nakataya sa pagkakabit ng jumper.

Payo ng Meralco, huwag magkabit ng ilegal na koneksiyon dahil nakamamatay ito at puwede pang pagmula ng sunog. 

Kung sakali namang may nakuryente na, huwag itong galawin at humingi agad ng tulong sa eksperto dahil baka madamay sa pagkakakuryente ang gagalaw rito. 

Magpakabit din ng kuryente sa legal na pamamaraan, at kung nais makatipid, maaaring magpakabi ng prepaid na kuryente. 

-- Ulat nina Jasmin Romero at Ron Lopez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.