Jeep sumalpok sa bus sa Quezon City; drayber ligtas pero tumakas

Ernie Manio, ABS-CBN News

Posted at May 23 2017 09:19 AM

Pinaghahanap ngayon ang drayber na tumakas matapos sumalpok ang minamanehong jeep sa isang pampasaherong bus sa Commonwealth Avenue, Quezon City pasado-11 ng gabi, Lunes.

Ayon sa mga awtoridad, biyaheng Baclaran sana ang bus nang bigla na lang maramdaman ng drayber nito at ng ilang pasahero na may tumama sa kanilang sasakyan sa bahagi ng Old Balara.

Sa lakas ng salpok, wasak na wasak ang unahan ng jeep at walang magsasabing may nabuhay itong sakay. Pero himalang nakaligtas ang tsuper at agad tumakas.

Tiyempo namang walang pasahero ang jeep nang mangyari ang aksidente.

Dahil umulan kagabi, posible umanong madulas pa ang kalsada nang pumaspas sa highway ang jeep dahilan para ito mawalan ng kontrol at sumalpok sa bus.

Nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in damage to properties ang tumakas na drayber.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.