Empleyado ng DENR, patay sa pamamaril sa Palawan

Cherry Camacho, ABS-CBN News

Posted at May 24 2017 12:18 AM

PALAWAN - Patay ang isang empleyado ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) matapos barilin sa Barangay Poblacion sa bayan ng Narra, sa Palawan Lunes.

Kinilala ang biktima na Si Fernando Alejo, 52 taong gulang, na isang land management inspector ng DENR.

Dati rin itong officer-in-charge ng Community Environment and Natural Resources Office sa Narra, Palawan.

Base sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, pauwi na ang biktima sakay ng kanyang motorsiklo nang harangin at pagbabarilin ng dalawang hindi pa nakikilalang indibidwal.

Nakasakay rin umano sa motorsiklo ang mga bumaril kay Alejo.

"Siya po ay sinundan noong paglabas po niya ng opisina, sinundan pauwi at binaril ng dalawang suspek na nakasakay sa motorsiklo," ani ni Senior Insp. Ric Ramos, information officer ng Palawan Provincial Police Office.

Posibleng umanong may kaugnayan sa trabaho nito bilang DENR personnel ang motibo sa krimen.

Nakuha sa pinangyarihan ng krimen ang apat na basyo ng caliber .45, motorsiklo ng biktima, at isang backpack.

Nagtamo ng multiple gunshot wounds ang biktima at idineklarang dead-on-arrival sa ospital ng Narra.

Nagpapatuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.