Dela Rosa, nagbigay ng 24 oras para hulihin ang 6 preso nakatakas sa Laguna

Noel Alamar, ABS-CBN News

Posted at May 23 2017 06:26 PM

Binigyan ni Philippine National Police (PNP) Director General Ronald dela Rosa ang hepe ng San Pedro City Police ng 24 oras para madakip ang 6 na preso na tumakas mula sa San Pedro City Lockup Jail kaninang madaling araw.

Ang kautusan ay ipinarating ni Dela Rosa mula sa Russia kay Supt. Mao Aplasca, regional director chief ng Police Regional Office Calabarzon.

Sa utos ni Dela Rosa, sinabi ni Aplasca na kailangang mahuli ang mga pugante sa loob ng 24 na oras kung hindi ay sisibakin si Supt. Harold Repositar, hepe ng San Pedro police, at ang jail warden nito.

Kinilala ang mga presong nakatakas na sina Benjo Lopena, Mark Joseph Alviar, Jordan Ybañez, Niño Hernandez, Rey Rodrigo at Arvin Basilan.

Ayon kay Repositar, pinutol ng mga preso ang rehas na bakal ng kulungan para makatakas.

Karamihan sa mga pugante ay may mga kasong kaugnay sa ilegal na droga.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.