City jail, eskuwelahan, simbahan, nasunog sa gitna ng bakbakan sa Marawi

ABS-CBN News

Posted at May 24 2017 01:11 AM

Nasunog ang apat na gusali sa Marawi sa gitna ng bakbakan ng tropa ng gobyerno at rebeldeng Maute group.

Ayon kay Defense Sec. Delfin Lorenzana, sinunog ng Maute group ang St. Mary’s Church, ang Marawi City Jail, ang Ninoy Aquino School, at ang Dansalan College.

Marawi City Jail habang nasusunog. Corner View of Regional Emergency Assistance Communications Team (REACT)-Marang

Bago ang pahayag ni Lorenzana, hindi kinukumpirma ng Philippine National Police (PNP) kung ang mga sumiklab na sunog ay sinadya o bunsod ng palitan ng putok.

Dansalan College habang nasusunog. Arsad

Bago maghatinggabi nitong Martes, walo na ang naitalang sugatan mula sa puwersa ng gobyerno. Matapos ang ilang oras, sinabi ng gobyerno na 3 ang patay at 12 ang sugatan sa Marawi. 

Sa isang pahayag, sinabi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na nag-ugat ang sagupaan sa pagtugis ng mga tropa ng pamahalaan kay Isnilon Hapilon na pinaniniwalaang nagpapalaganap ng ideolohiya ng ISIS sa Timog Silangang Asya.

Siya rin ang lider ng Maute group na dati nang nagdeklara ng pag-anib sa international terrorist group na ISIS.

-- Ulat ni Greanne Trisha Mendoza, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.