Batang may dalang bala at baril, nahuli sa Northern Samar

Ranulfo Docdocan, ABS-CBN News

Posted at May 23 2017 10:58 PM

Nasa kustodiya na ng Northern Samar Provincial Social Welfare Office ang isang 12-anyos na batang na may dalang mga bala at baril na nakatago sa kalahating sako ng bigas. Ranulfo Docdocan, ABS-CBN News

CATARMAN - Nasa kustodiya na ng Northern Samar Provincial Social Welfare Office ang isang 12-anyos na bata na nahuli ng mga sundalo na may dalang mga bala at baril na nakatago sa kalahating sako ng bigas.

Mayo 13 nang mahuli ang bata ng mga sundalo ng 803rd Infantry Brigade sa Barangay De Tubang, Silvino Lobos sa Northern Samar.

Nakuha mula sa kargang kalahating sako ng bigas ng bata ang mga bala ng 5.56 mm, machine gun, tatlong cartride ng 7.62 mm ng M60, at dalawang cartridge ng 5.56 K3 machine gun.

Ayon sa impormasyon mula sa 8th Infantry Division, matapos na ma-interview ang bata, agad itong nai-turn over sa Provincial Social Welfare Development at dinala sa Catarman Provincial Hospital upang masuri rin ang kalusugan.

Sa ipinadalang pahayag ng commanding officer ng 8ID Maj. Gen. Raul Farnacio, ikinalulungkot nila ang ganitong pangyayari dahil ginagamit umano ng rebeldeng New People’s Army ang mga menor de edad sa kanilang mga aktibidad at ito'y isang malaking paglabag sa International Humanitarian Law.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.