Baradong imburnal sa Cainta, tinapunan pala ng bangkay

Dominic Almelor, ABS-CBN News

Posted at May 23 2017 05:15 PM

CAINTA, RIZAL—Natagpuan sa isang imburnal dito ang isang naaagnas ng bangkay ng lalaki na nakasilid sa isang garbage bag.

Inakala ng mga empleyado ng isang ice plant dito sa Sumulong Highway, Brgy. San Isidro na basura ang laman ng puting garbage bag.

Pero nang buhatin nina Jerry Apolinario at Jessie Latiza ang bag at mapunit ang plastic, nagulat sila na bangkay pala ang laman nito. Hinihinalang biktima ng summary execution ang lalaki.

“Akala namin aso pagbuhat lumabas agad yung ulo nilakihan ko yung hiwa sabi ko tao,” ani Latiza.

“Nanayo po balahibo ko nasuka ako kasi marami pong uod inuuod na,” dagdag ni Apolinario.

Nadiskubre ang garbage bag na nakabara sa mismong butas na imburnal nang utusan ang mga tauhan na linisin ito dahil umapaw ang tubig at bumaha sa harap ng ice plant matapos umulan kagabi.

Nang buksan ng Philippine National Police (PNP) Crime Lab ang garbage bag, nakabalot sa kumot ang lalaki na nasa advanced state of decomposition na.

Tinatayang nasa 3 hanggang 4 na araw nang patay ang biktima.
Kinumpirma ng barangay na hindi nila ito residente kaya posibleng sa ibang lugar siya pinatay.

“Sa lugar na yun walang tao hindi siya residential sa gabi hindi kaliwanagan ang lugar nakita talaga na dun pwedeng magtapon,” ani Kagawad Bernard Albacite ng Brgy. San Isidro.

Naniniwala ang barangay na biktima ng summary execution ang biktima lalo’t may mga nakita silang mga pasa sa katawan.

“Ibinaluktot siya at pilit na pinagkasya sa garbage bag, pinahirapan at yung mata niya nakaluwa na,” ani Albacite.

Walang CCTV sa lugar kaya hindi nakunan kung sino man ang nagtapon sa bangkay.

“Nababahala nga kami kasi yung lugar ang binabantayan namin dun may mga naglalaglag ng basura ng madaling araw eh ngayon ganon na pala ang hinuhulog dun. Siguro mag-extra effort kami sa area na yun para mabantayan,” dagdag ni Albacite.

Ayon sa PNP crime lab, nasa pagitan ng 30 hanggang 35 anyos ang edad ng biktima na 5'2 ang taas at medium built ang pangangatawan.

Maaari siyang makilala sa kanyang itim na short at itim na sando na may nakasulat na salitang tribal. May dalawang bracelet din siya at itim na relo.

Sa mga posibleng kamag-anak ng biktima, maaaring puntahan ang kanyang mga labi sa Heaven's Gate Parks and Chapels sa Antipolo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.