Anti-Distracted Driving Act, suspendido

ABS-CBN News

Posted at May 23 2017 06:32 PM | Updated as of May 23 2017 11:59 PM

Sinuspinde ng Department of Transportation (DOTr) ang pagpapatupad ng Anti-Distracted Driving Act (R.A. 10913) o ang batas na nagbabawal ng anumang makasasagabal sa drayber sa kanyang pagmamaneho. 

Sa text message sa DZMM, sinabi ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) spokesperson Aileen Lizada na napagkasunduan ng DOTr, LTO, LTFRB, MMDA, at PNP-HPG na susundin muna nila ang hinihingi ng mga senador at kongresista na pansamantalang suspensiyon ng pagpapatupad ng batas.

Bubuo naman ang DOTr ng technical working group upang pag-aralan ang implementing rules and regulations (IRR) ng batas. 

Magsasagawa rin ng education campaign kapag nailatag na ang IRR na gagawin ng technical working group.

Bagaman suspendido ang batas, nakiusap naman ang DOTr na sundin pa rin ng mga motorista ang mga probisyon nito. 

-- Ulat ni Robert Mano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.