Ama ng 'bagman' ng sindikato, patay sa pamamaril

Martian Muyco, ABS-CBN News

Posted at May 23 2017 11:07 AM

Napapaligiran ng police line ang lugar kung saan binaril at napatay ang ama ng top drug suspect ng Negros Occidental. Larawan mula sa Bacolo police station 8

NEGROS OCCIDENTAL - Patay ang ama ng umano'y bagman ng isang drug syndicate matapos barilin ng hindi nakilalang salarin sa Barangay Singcang-Airport sa Bacolod, Lunes ng gabi.

Nangyari ang pamamaril sa 53 anyos na si Wilfredo Serenio sa gilid ng kalsada sa Purok Sampaguita I. Agad mamatay ang biktima dahil sa mga tinamong tama ng bala sa katawan.

Hinihinala ni Gina Serenio, misis ng biktima, na may kinalaman ang pamamaslang sa pagsisiwalat ng kanilang anak na si Ricky sa pangalan ng ilang pulis na dawit umano sa transaksyon ng ilegal na droga.

Kilala si Ricky bilang top drug personality ng rehiyon at bagman ng isang malaking drug syndicate sa Negros Occidental.

Una nang nasibak sa puwesto ang mga pulis na kanyang itinurong may kinalaman sa bawal na gamot.

Hindi pa masabi ng mga imbestigador kung konektado sa droga ang pagkamatay ng ama ni Ricky.

Nitong Abril lang, namatay rin sa pamamaril sa parehong lugar ang kapatid ni Ricky na si Wilmar Serenio.

Iniimbestigahan pa ng pulisya kung iisa lang ang nasa likod ng 2 pamamaslang.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.