3 snatcher tiklo matapos mamukhaan ng dating biktima

Ron Lopez, ABS-CBN News

Posted at May 23 2017 08:59 AM

Naaresto ang 3 hinihinalang magnanakaw, kabilang ang isang menor de edad, matapos silang isumbong Lunes ng babaeng nabiktima umano nila sa Tondo, Maynila noong nakaraang linggo.

Ayon sa pulisya, papauwi na ang babae sa kaniyang bahay sa Barangay 128 nang makita niya ang 3 suspek na sumabit sa sinasakyang jeep.

Namukhaan ng babae ang 3 lalaki bilang mga umano'y nagnakaw sa kaniya sa kaparehong lugar kamakailan.

Bumaba ang babae sa Tayuman Street at nagsumbong sa mga nagpapatrolyang pulis, dahilan para maaresto ang mga suspek.

Nakilala ang mga suspek na sina Master Cedrick Velasco, Ivan Iledo at isang 16-anyos na lalaki.

Hinala ng mga imbestigador, sangkot ang tatlo sa iba pang naitalang kaso ng pagnanakaw sa lugar.

Mahaharap sa kasong robbery sina Velasco at Iledo habang dadalhin naman sa Department of Social Welfare and Development ang menor de edad nilang kasamahan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.