2 patay sa magkahiwalay na drug ops sa Laguna

Noel Alamar, DZMM

Posted at May 23 2017 07:08 PM

Dalawang hinihinalang drug pushers ang napatay sa magkahiwalay na drug operations sa Laguna, Martes ng umaga.

Sa Rosaflor Subdivision sa Barangay Tagapo, Sta. Rosa City, dead on arrival sa ospital ang isang alias Onad matapos manlaban sa mga pulis sa buy-bust operation.

Ayon kay Sta. Rosa City Police Chief, Supt. Joel Estaris, nakatunog si Onad na pulis ang kanyang ka-transaksiyon kaya't bumunot agad ito ng baril at akmang papuputukan ang poseur-buyer pero naunahan siya nito.

Narekober sa kanya ang isang Calibre 45 pistol, isang motorsiklo at isang sachet ng hinihinalang shabu.

Sa Calamba City naman, patay din si Johlee Alcantara matapos makipagbarilan sa pulis sa isang buy-bust operation sa Barangay Real kanina rin madaling araw.

Sinabi ni Calamba City Police Chief Supt. Fernando Ortega, si Alcantara ay kabilang sa drug watchlist ng PNP Directorate for Intelligence.

Nakatunog si Alcantara na pulis ang kanyang ka transaksiyon din kaya't kanya itong pinaputukan. Dito na napilitang gumanti ng putok ang mga pulis.

Hindi naman nasugatan ang pulis na nagsilbing poseur buyer dahil nakasuot siya ng bulletproof vest.

Narekober mula sa suspek ang isang super .38 at ilang sachet ng shabu.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.