15 sugatan sa salpukan ng bus at trak sa Zamboanga

RJ Rosalado, ABS-CBN News

Posted at May 23 2017 03:37 PM

ZAMBOANGA CITY - Labinlimang tao ang sugatan matapos tumaob ang isang pampasaherong bus at isang trak na nagsalpukan sa kahabaan ng highway sa Barangay Lubigan, Martes ng umaga.

Dalawa sa mga sugatan ang nasa kritikal na kondisyon matapos magtamo ng mga sugat sa ulo at katawan, saad ni Inspector Dahlan Sammudin, deputy chief of police, ng Station 2.

Dinala ang mga sugatan, kabilang ang isang 5-taong gulang na bata at kaniyang lola, sa Cristino Paragas Memorial Hospital sa kalapit na Baranagay ng Curuan.

Ayon sa drayber ng trak na si Nemecio Lambo, nawalan umano ng preno ang minamanehong trak habang binabagtas nito ang isang matarik na kurba ng kalsada.

Maaaring pumalya ang preno dahil sa haba ng biyahe mula Cagayan de Oro patungong Zamboanga, ani Lambo.

Ayon sa suspek, nabangga niya ang bus nang sumabog ang isa sa mga gulong ng trak matapos iwasang bumangga sa isang pick-up.

Nakaladkad ng trak ang bus bago tuluyang tumagilid ang dalawang malalaking sasakyan.

Nasa kustodiya ng mga pulis ang drayber ng trak at bus.

Sinagot naman ng may-ari ng trak ang pampa-ospital ng mga nasugatan dahil sa insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.