OSLO - Nagsimula ang tatlong magkaibigan na maglinis sa mga bahay at mag-online selling ng Pinoy products hanggang nakapagtayo sila ng cleaning services at Asian store sa Oslo.
Noong 2017 naisipan ng magkakaibigang sina Don, Eric at Angelo na magtayo ng sariling cleaning services company.
‘Ito’y isang cleaning company na ang layunin ay tumulong sa mga taong walang panahong maglinis ng bahay,’’ sabi ni Don Balbin, negosyante.
Don Balbin
Pero hindi rito nagtapos ang kanilang business venture.
Noong 2021, panahon ng pandemya, naisipan din nilang mag-online selling at door-to-door delivery.
‘’Na-experience namin yung stress, unang-una kapag may bibilhin ka ng isang produkto pagpunta mo roon wala siya, lilipat ka na naman so kumakain ka ng time. So, naisip namin siguro i-try natin yung pinag-uusapan natin before na nagiging problema natin sa pag-go-grocery, so naisipan namin magtayo ng online boutique, ‘yun nga yung Metroshop na pinattern namin sa Metro Aid,’’ saad ni Eric Paleracio, negosyante.
Eric Paleracio
Sa ilang buwan palang ng pagne-negosyo sa parehong taon, naitayo nila ang kanilang Asian Store sa Oslo.
‘’Tapos before nung existing ng ang aming online store nagre-rent kami ng warehouse. So nung dumadami na ang order, lumalakas ang sales namin," sabi ni Eric Paleracio, negosyante.
Kaya naisip nilang magtayo ng physical store. Patok na patok sa kanila ngayon ang door-to-door service. Sa minimum na bayad na 399 krone o dalawang libong piso, ihahatid nila sa kanilang mga suki ang kanilang order.
‘’Kasi door-to-door delivery po mabilis lang po, kapag nag-order kayo on the day dine-deliver po nila agad on the same day,’’ saad ni Liza Storksen, customer.
Maliban sa kumita, layunin ng kanilang business na tumulong din sa mga Pinoy, lalo na sa mga estudyante at au pairs.
“Nung nagbukas kami ng Metroshop nagpagawa kami ng discount card lifetime para sa mga student at au pairs. So kapag bumili sila sa store, may 10% discount sila all the time,’’ sabi ni Eric Paleracio.
Hinihikayat nila ang mga Pilipino na huwag matakot magnegosyo.
"Pwede niyo kami tawagan. Pwede namin kayo tulungan kung ano ang kailangan niyong gawin. At kung papaano niyo paghahandaan ang problema, open kami na tumulong.’’ sabi ni Don Balbin, negosyante.
Pinatunayan ng magkakaibigan na bagamat hindi madali sa una, kaya pa ring magtagumpay sa pagne-negosyo kahit nasa ibang bansa, basta sabayan lang daw ng sipag at tiyaga.
Para sa mga nagbabagang mga balita tungkol sa ating mga kababayan sa Norway, tumutok sa TFC News sa TV Patrol.
KAUGNAY NA VIDEO: